02/24/2011 2:02 AM

Nagbalik-bansa na ang Pinoy boxing champion na si Manny Pacquiao. Sisimulan na ni Pacman ang ensayo para sa nalalapit na bakbakan nila ni “Sugar” Shane Mosley. Nagpakitang-gilas naman sa exhibition game sa Baguio ang Philippine Azkals kung saan tinambakan nila ang koponan mula Baguio. Ang patok na balita hatid ni TJ Manotoc. Bandila, Pebrero 23, 2011, Miyerkules.

02/24/2011 1:57 AM

Nangangamba ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa masamang epekto sa ating ekonomiya ng gulo sa Middle East at North Africa. Ayon kay BSP Governor Diwa Guinigundo, posibleng mabawasan ang remittances o padalang pera na natatanggap ng Pilipinas mula sa mga OFW na ipit sa kaguluhan. Bandila, Pebrero 23, 2011, Miyerkules.

02/24/2011 1:55 AM

Nangunguna ang Maynila sa may pinakamatinding polusyon sa buong Pilipinas. Ayon sa pag-aaral, ang pinakaapektado ang kalusugan ay ang mga namamasadang driver at mga commuter. Nagba-Bandila si Abner Mercado. Bandila, Pebrero 23, 2011, Miyerkules.

02/24/2011 1:53 AM

Ibinasura ng Korte ng Hong Kong ang paratang na ibebenta ni Congressman Ronald Singson ang droga na nahuli sa kanya noong isang taon. Dahil dito, inaasahang mas magaan ang sentensyang igagawad kay Singson bukas. Magba-Bandila si Henry Omaga-Diaz. Bandila, Pebrero 23, 2011, Miyerkules.

02/23/2011 2:44 AM

Sinimulan kanina ang 2011 Pinoy Media Congress sa University of Santo Tomas kung saan dumalo ang mahigit 700 mass communication students sa buong bansa.

Tampok na speaker si ABS-CBN Chairman at CEO Gabby Lopez. Tinalakay ni Ginoong Lopez ang kontribusyon ng citizen journalism at ang kahalagahan ng pananalig sa katotohanan at serbisyo sa bayan.

Hinikayat naman ni ABS-CBN News and Current Affairs Head Ging Reyes ang mga estudyante na makibahagi sa Bayan Mo iPatrol Mo at maging tagapag- taguyod ng pagbabago sa lipunan. Bandila, Pebrero 22, 2011, Martes

02/23/2011 2:42 AM

Natupad ang pangarap ng 10 taong gulang na Pinay mula Winnipeg, Canada na si Maria Aragon.

Matapos, imbitahan ni Lady Gaga na maka-duet sa kanyang concert, nag-guest naman ang batang Pinay sa sikat na talk show ni Ellen DeGeneres.

Makikita sa website ng show ni Ellen ang guesting ni Aragon.

Bukod sa interview ni Ellen, inawit rin ni Aragon ang kantang nagpasikat sa kanya sa YouTube na "Born This Way" ni Lady Gaga. Binigyan si Aragon ng standing ovation ng mga manonood. Bandila, Pebrero 22, 2011, Martes

02/23/2011 2:38 AM

Puno ng sorpresa at engrandeng pagtatanghal ang katatapos lamang na ABS-CBN News and Current Affairs trade event na "News Matrix" sa Resorts World sa Pasay.

Itinampok sa event ang mga programa ng ABS-CBN News and Current Affairs pati ang mga respetadong anchors at reporters ng Kapamilya network, kabilang siyempre ang inyong mga tagapag-Bandila. Nakisaya rin ang mga advertisers, media agencies, sponsors at ABS-CBN Executives.

Sama-samang nanumpa ang lahat para sa paghahatid ng makabuluhang programa at paglilingkod sa bayan.

Tampok din sa trade event ang makapigil hiningang number mula sa musical spectacle na "Kaos" at ang high-energy performance ng Philippine All Stars. Bandila, Pebrero 22, 2011, Martes

02/23/2011 2:31 AM

Pagkakaisa laban sa diktadurya, iyan ang diwa ng EDSA People Power 25 taon na ang nakakaraan. Ngayon, People Power din ang inspirasyon ng isang grupo para labanan naman ang kahirapan at suportahan ang maliliit na negosyante sa bansa. Magba-Bandila si Abner Mercado. Bandila, Pebrero 22, 2011, Martes