Saklolo: Cariño brutal

Posted at 01/04/2013 5:30 PM | Updated as of 01/04/2013 6:41 PM

Sapat na ba ang pagmamahal para tiisin ang ilang ulit na pananakit? Para kay Rona, kulang ang pag-ibig para tiisin ang mapang-abusong padre de pamilya.

Anim na taon nang nagsasama sina Rona at Jimboy. Disi-sais anyos lang si Rona noong nagkakilala sila ni Jimboy, ngunit mabilis na nahulog ang kanyang loob sa kabaitan ng binata.

Sa maliit na tahanan sa Bagong Silang, Caloocan ay bumuo sila ng isang pamilya. Matamis ang simula ng kanilang pag-iibigan, pero nauwi ito sa bugbugan. Ang dating maasikasong nobyo, ngayo'y madalas nang nananakit.

Ayon kay Rona, lulong sa bisyo si Jimboy. At kapag nalalasing, damay ang mga bata sa kanyang pananakit. Tiniis niya ang lahat sa paniniwalang magbabago pa ang live-in partner. Pero dumating rin ang araw na gusto na niyang tapusin ang kalbaryo nilang mag-iina.

Nang minsang nagwala si Jimboy ay tinangkang lumaban ni Rona. Doon na rin siya humingi ng saklolo sa awtoridad. Ang problema, naiwan sa bahay ang kanyang mga anak kasama si Jimboy. Mataimtim ang kanyang dasal na sana ay hindi masaktan ang dalawang bata.

Hindi nagtagal ay sumugod si Rona at mga opisyal ng barangay para sagipin ang mga bata. Laking tuwa na lang ng ina nang makita silang ligtas. Nagulat naman si Rona na naroon pa rin ang dating kinakasama sa bahay.

Dinala sa opisina ng baranagay si Jimboy upang hingan ng paliwanag. Inamin naman niya ang kanyang mga bisyo at madalas na pambubugbog kay Rona.

Sa tulong na rin ng barangay ay nagkasundo ang dalawa na sumailalim sa Barangay Protection Order. Nangako rin ang barangay na tutulungan si Rona kung sakaling magpasya siyang magsampa ng kaso laban kay Jimboy.

Ngunit hindi na siya nagsampa ng kaso dahil malapit naman ang kanilang panganay sa ama. At kung susuyuin siyang muli ni Jimboy, papanindigan ni Rona ang desisyon na buhaying mag-isa ang mga anak.

Aired on January 2, 2013