Engkwentro: Utang na loob, magbayad ka!

Posted at 01/15/2013 11:46 AM | Updated as of 01/15/2013 11:46 AM

Ang utang, binabayaran, hindi tinatakbuhan. Pero madalas, hindi ka man takasan, pahirapan pa rin sa singilan.

Alam niyo bang utang ang madalas na pinagaawayan sa barangay? Sakit ng marami ang hindi pagtupad sa pagbabayad sa tamang oras. Ang mga nagmagandang-loob na magpahiram tuloy, napeperwisyo pa.

Isa lamang ang kaso ni Lydia Alcovindas-Salvador laban kay Juvy “Bimboy” Orquiales sa libu-libong mga “sum of money” cases sa mga barangay na dinidinig araw-araw.

Hulyo noong nakaraang taon nang lumapit si Bimboy kay Lydia at nangutang ng P5,000.

Ang perang pinautang, inipon ni Lydia mula sa pinagpagurang sweldo ng kanyang mister para sana maagang makapag-enroll ang kanyang mga anak noong Disyembre. Masinop sa pera ang mag-asawa dahil prayoridad nila ang edukasyon ng mga anak.

“Yung perang pumapasok, hindi yung perang nakukuha kung saan-saan. Syempre pinaghihirapan ng asawa ko yun na kailangan ingatan.”

Kaso, ang hinahabol na discount sa enrollment, hindi na naabutan ni Lydia. Paano ba naman, mula nang makapaghulog ng mahigit isang libong piso, pinagtaguan na umano siya ni Bimboy. Ang masaklap, lulong pa daw ito sa pagsusugal.

Pakiusap tuloy ni Lydia, “utang na loob, magbayad ka!”

Harapin pa kaya ni Bimboy ang kanyang responsibilidad na bayaran sina Lydia? Hanggang kailan kaya bago niya makumpleto ang perang hiniram?

Abangan ang kahihinatnan ng kanilang engkwentro sa Pinoy True Stories, ang kaagapay niyo sa paghahanap ng solusyon sa anumang alitan.

Kasama si Karen Davila, mapapanood ang “Engkwentro: Utang na Loob, Magbayad Ka” sa Martes, ika-15 ng Enero, 4:45 ng hapon sa Kapamilya Gold.

Air date: January 15, 2013