Saklolo: Kidnap for ransom

Posted at 01/16/2013 4:45 PM | Updated as of 01/16/2013 4:45 PM

Sa panahon ngayon, tama lang na mahigpit ang magulang sa kanilang anak. Pero paano kung sa kabila ng pag-iingat ay napahamak pa rin ang bata?

Maasikasong nanay si “Madel” sa kanyang panganay na si “Lucas”, pitong taong gulang. Kaya naman halos ikamatay niya ang sinapit ng anak.

Saklolo: Kidnap for ransom 

Nagpaalam lang si Lucas na maglalaro sa labas ng bahay. At kahit hindi siya pinayagan ni Madel, tumakas pala ang bata. Maya-maya pa, tumawag ang dating asawa ni Madel at sinabing may kumidnap sa kanilang anak. Humingi sila ng P20,000 ransom.

Buong maghapong balisa si Madel. Inisip niyang ibenta ang kanilang hinuhulugang bahay at kung kani-kanino na humanap ng mauutangan.

Tinakot siya ng kidnapper, lubos na nangamba si Madel sa kalagayan ng anak. Ang problema, wala siyang perang pangtubos dito.

Nagduda rin si Madel sa dating asawa na si “Jack”. Naisip niya na baka may kinalaman ito sa pagkawala ng kanilang anak.

Matapos lumapit sa pulis ay pumunta rin sila sa National Bureau of Investigation (NBI). Ginawa agad ang plano kung paano matutunton at mati-tiyempuhan ang kidnapper. Sinunod ni Madel ang utos ng kidnapper na maghulog ng pera sa Money Remittance Center. Ilang oras na ang lumipas, hindi pa rin kinuha ng kidnapper ang pera.

Pinauwi na ng mga ahente ng NBI si Madel. Hindi pa man din siya nakalayo ay nakatanggap siya ng tawag na nahuli na ang kidnapper. Ligtas na rin ang buhay ni Lucas.

Ang lalaking dumukot sa bata ay kakilala pala ng ama ng bata. May atraso si Jack sa nasabing kidnapper. Ayon sa kanya, paghihiganti ang kanyang naging motibo sa pagdukot kay Lucas.

Isang buwan matapos mabigyan ng saklolo, masigla na ulit si Lucas. Pero naroon parin ang bakas ng takot sa nangyaring pagdukot sa kanya. Bilang tulong, isasailalim sa therapy ang mag-inang Madel at Lucas para tuluyan nang makalimot sa trahedya.

Lalo rin namang mag-iingat si Madel at mas pagtitibayin ang pagbilin sa anak na huwag bastang sasama sa kahit sino, kakilala man o hindi, na hindi nagpapaalam sa kaniya.

Aired on January 16, 2013