Saklolo: Human trafficking

Posted at 01/24/2013 11:04 AM | Updated as of 02/05/2013 12:59 PM

Sa panahong marami ang naghihirap, pag-aaral pa rin ba ang priyoridad ng karamihan sa kabataan? Para kay “Ruby”, 15 taong gulang, mas importante ang pagtulong sa pamilya kaysa sa pag-aaral. Ngunit paano kung ang trabahong inaasam ay isa palang kapahamakang naghihintay?

Huminto sa pag-aaral si Ruby. Minsan na siyang namasukan bilang kasambahay. Ang maliit niyang kita, binibigay niya sa pamilya. Madalas ay walang trabaho ang tatay niyang pahinante. Ang nanay niya ay nasa bahay lang at nagbebenta ng ginupit na scrap paper. Ayaw ni Ruby na tumigil rin sa pag-aaral ang nakababatang kapatid kaya siya na lang ang nagsakripisyo para makapag-aral ito.

Isang oportunidad ang dumating kay Ruby at sa kanyang mga kabarkada. Inalok sila ng tiyahin ng isang kaibigan na mag-apply bilang waitress sa isang bar sa Puerto Galera.

Ngunit laking gulat ni Ruby ang ipinakitang short shorts, mini skirt at tube top na susuotin nila bilang uniporme. Sinabihan din ang magkakaibigan na malaki ang sweldo lalo na kung papayag silang lumabas kasama ang mga costumer.

Bukod dito ay inusisa ng kanilang recruiter na si “Dolores” kung sila ay nakipagtalik na sa lalaki. Nagtaka man ang kaniyang murang isip, nangibabaw pa rin ang kagustuhan ni Ruby na tumuloy at kumita ng sariling pera.

Kinabukasan, kasama ni Ruby ang tatlong kaibigan at nakipagkita kay Dolores sa Batangas Port. May kasama ang nasabing recruiter na tatlo pang babae.

 

Bigla umanong kinabahan si Dolores na baka mapahamak sila dahil mukhang bata si Ruby. Kaya naman napagdesisyonan niya na isama ito pabalik ng Maynila pagkatapos ihatid ang anim na babae.

Ngunit bago pa sila makasakay ng barko, isinumbong sila ng barker kay “Joselito”, isang guwardiya sa pier.

Nilapitan ni Joselito ang mga dalagita at tinanong kung saan sila magtratrabaho. Nang malaman na sa bar sila papasok, kinausap ni Joselito si Dolores at nang walang maipakitang permit ang recruiter, inalerto ng security guard ang Batangas port police.

Hinuli si Dolores, at nailigtas sa kapahamakan sina Ruby at ang iba pang dalaga.

Sa pag-uwi ni Ruby ay dala niya ang matinding pagsisisi. Hindi lang siya nagpasilaw sa pera kundi umalis rin siya nang walang paalam sa magulang.

Matapos ang nangyari, nagsampa ng kaso ang si Ruby laban kay Dolores. Hindi sila nagpadala ng kanyang ina sa alok na pera para iatras ang kaso, na kanilang inilakad sa tulong ng non-government organization na Visayan Forum.

Si Ruby lamang ang nagtuloy na magsampa ng kaso. Kinasuhan ang recruiter ng paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Human Trafficking Law.

Tatlong taon inabot ang asunto bago nahatulan ng panghabang buhay na pagkakakulong ang recruiter, ang kauna-unahang nasentensyahan sa salang human trafficking sa Pilipinas.

Walong taon makalipas, si Ruby ay college student na at isa na ring advocate ng krusada laban sa human trafficking. Masipag siyang estudyante. Natuto na si Ruby na walang ibang daan sa pag-asenso kundi ang makapagtapos ng pag-aaral.

Aired on January 23, 2013