Saklolo: Batang lalaki, inabuso ng sariling ama

Posted at 02/07/2013 1:27 PM | Updated as of 02/15/2013 12:19 PM

Normal lang para sa isang ama na maging malapit sa lalaking anak. Pero paano kung ang pagmamahal sa anak ay mauwi sa pangmomolestya?

Katabi ni “Marco” sa pagtulog ang bunso niyang si “Nathan” (hindi nila tunay na pangalan). Madalas ay sabay pa silang maligo. Hindi naman ito pinag-isipan ng masama ni “Monina”, nanay ng 5-taong gulang na bata.

 

Ngunit ang ipinagtaka ng dalawang babaeng anak nina Marco at Monina ay kung bakit si Nathan ang laging hinahanap at may pasalubong galing sa tatay.

Isang araw, may naisumbong ang isang anak na babae ni Monina sa kanya. Pinakagat daw ni Nathan ang kanyang ari sa kaklase niya. Akala ni Monina, hindi na mauulit ang insidenteng ito, ngunit tatlong buwan ang lumipas at ginawa uli ito ni Nathan sa kanyang pinsan.

Nagalit ng husto si Monina sa ginawa ng anak. At labis niya pang ikinagulat ang isinagot ni Nathan nang tanungin niya kung saan niya ito natutunan. “Kay papa” ang lumabas sa bibig ng batang lalaki.

Dito na nalaman ni Monina na minomolestya pala ni Marco ang kanilang anak na lalaki.

Naisip ni Monina na tama pala ang mga sinasabi ng mga empleyado nila, na maaaring bakla si Marco. May nakarating na sumbong kay Monina noon na kapag nalalasing umano ang kanyang asawa ay hinihipuan nito ang kanilang mga trabahador na lalaki. Minsan pa ay may natagpuang isang DVD sa mga gamit ni Marco, na nagpapakita ng pakikipagtalik ng mga lalaki sa kapwa lalaki.

Itinanggi ni Marco na kanya ang DVD, at sinabing pinatago lang ito sa kanya ng isang kaibigan. Isinantabi ni Monina ang mga pagdududa niya kay Marco, dahil ayon sa kanya, hindi naman daw ito nagkulang sa pagiging asawa.

Pero dahil sa kwento ng anak, lubos ang galit ni Monina sa asawa. Itinakas ni Monina si Nathan at dinala sa bahay ng isang kaibigan. Labis rin itong ikinagalit ni Marco.

Sa takot ni Monina sa maaaring gawin ni Marco, humingi na siya ng saklolo. Pumunta si Monina sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Women and Children Protection Division ng pulisya sa Camp Crame.

Ayon sa CIDG, maituturing na paglabag sa batas ang ginawang sexual at psychological abuse ni Marco kay Nathan. Kinasuhan si Marco ng paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act)at agad ding dinampot ng mga otoridad.

Dahil sa mga nakitang pagbabago sa ugali ni Nathan, minabuti na ng otoridad na ilapit si Nathan sa espesyalista na makatutulong sa pagbalik ng kanyang normal na buhay.

Parang nabunutan ng isang napakalaking tinik si Monina. Alam niyang ligtas na ang anak. At kahit mag-isa, handa umano siyang maging ilaw at haligi ng kanyang mga anak para hindi mawalan ng sandigan ang mga ito.

Aired on February 6, 2013