Saklolo: Battered maid

Posted at 02/14/2013 5:15 PM | Updated as of 02/14/2013 5:15 PM

Tulad ng maraming probinsyano, kahirapan din ang nagtulak kay “Lorie” para lumuwas patungong Maynila. Pero paano kung ang inakala niyang katapusan ng paghihirap ay simula pala ng mas malaking kalbaryo?

Sa barong-barong sa Casiguiran, Sorsogon ipinanganak si Lorie. Bunso siya sa siyam na magkakapatid.

Kulang ang kinikita ng kanyang tatay na magsasaka para buhayin ang kanilang pamilya. Dumating pa sa puntong kinailangan ni Lorie na tumigil sa pag-aaral.

Isang pagkakataon naman ang dumating nang yayain siya ng kaibigan na mamasukan bilang kasambahay sa Maynila. At dahil hindi siya papayagan ng magulang, tumakas si Lorie na bitbit ang pangarap na mabibigyan niya ang pamilya ng magandang buhay.

Umabot ng limang buwan si Lorie sa unang bahay niyang pinasukan. Maayos ang naging pakikitungo sa kanya ng amo. Ngunit nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan nang minsang makasira si Lorie ng gamit ng amo.

Nakapagbitiw ang kanyang amo ng hindi magagandang salita. At nang magkaroon ng pagkakataon para siya'y makaalis, hindi ito pinalampas ni Lorie.

Lumipat si Lorie sa bagong amo. Sa simula ay naging maayos ang samahan nila. Ngunit ayon kay Lorie, unti-unting lumabas ang tunay na ugali ng kanyang amo.

Maselan, meticulosa at mabilis itong magalit. Wala pang isang buwan ay nagawa na siyang saktan ng kanyang amo. Ang bawat pagkakamali ay may kapalit na kurot na nasundan naman ng panununtok, pamamalo at paghahampas ng iba’t-ibang bagay.

Gusto na sanang lumayas ni Lorie pero insip niya na kailangan niya ng perang pangtustos sa pangangailangan ng pamilya.

Ang pagtitiis ni Lorie ay tinapatan ng labis na pananakit ng amo. Halimbawa, nang hindi mapatahan ang anak ng amo na si "Bimbim" sa pag-iyak ay nagawa siyang hampasin ng kanyang amo ng kawali sa ulo.

Sa lakas ng pukpok ng kawali ay pumutok ang ulo ni Lorie, na hindi man lang ipinagamot ng amo. Hindi pa man gumagaling ang putok niya sa ulo, nakatikim na naman siya ng bagong parusa.

Nang mauntog si Bimbim, habang karga-karga niya ito, walang humpay siyang pinagpapalo ng screw driver sa paa ng kanyang amo. Sa sobrang sakit, halos mabitiwan na ni Lorie ang bata.

Dumating ang pagkakataong hindi na kinaya ni Lorie ang pang-aabuso. Dahil sa matinding pambubugbog, tumakas na siya. Dumeretso siya sa naging kaibigan niya na tindera sa isang tiangge sa ABS-CBN. Humingi sila ng tulong sa programang ‘Umagang Kay Ganda’ at inilapit rin sa ‘Saklolo’.

Sa pagsusuri ng medico legal kay Lorie ay nakitaan siya ng mga pasa at sugat na palatandaan ng pambubugbog. Dinala siya sa ospital para tuluyan nang maipagamot.

Ganap na ding nagsampa ng pormal na reklamo sa kanyang amo si Lorie. Para sa magsisilbi niyang abogado, dumulog na siya sa Public Attorney’s Office ng Quezon City.

Ngayon ay determinado si Lorie na makabalik sa pag-aaral. Alam niyang sa pagtatapos ay tuluyan niyang maiaahon ang pamilya sa hirap.

Bigo man siya sa naging pakikipagsapalaran sa Maynila, uuwi naman siyang dala ang pag-asang magkakaroon sila ng kanyang pamilya ng mas magandang kinabukasan.

Aired on January 30, 2013