Ako ang simula: SO NICE is so nice

Posted at 02/21/2012 8:46 AM | Updated as of 02/22/2012 3:08 PM

SO NICE is so nice

Kung sino pa ang nangangailangan ng tulong, siya pa mismo ang nagsimulang tumulong sa iba.
Yan si SO NICE, isang 15-taong gulang na may Lupus.

Sampung taon siya nang malaman na meron siyang sakit na hindi nagagamot. Pero imbes na magpatalo sa lungkot, nilabanan ni Nice ang sakit sa pamamagitan ng pagpipinta.

Dahil sa kanyang angking talento, naisipan niya na ibenta ang paintings para makapagpaaral ng mga kapospalad na bata.

Nagkakahalaga ng P5,000 – P10,000 ang bawat painting ni Nice. Ang kinikita ay pinambibili niya ng school supplies at binibigay bilang tuition at allowance sa lima scholars.

Minsan ay gumawa si Nice ng exhibit at ang proceeds ay nagsilbing donasyon sa iba’t-ibang foundation.
Maituturing na isang Patroller ng Pagbabago si SO NICE kahit sa kanyang murang edad.

At bilang tulong, inilunsad ng Ako Ang Simula ang “Donate for One Day of Life.” Naglalayon ito na pahabain ang buhay ni Nice dahil sa bawat P400 na donasyon ay makakabili siya ng gamot para sa isang araw.

Lubos din ang kaligayahan niya nang makilala ang idol na si Anne Curtis. Ibinigay ni Nice sa aktres ang isa sa kanyang pinakamagandang painting.

Hangad ni Nice na humaba pa ang buhay, hindi lang para sa sarili kundi para maipagpatuloy ang pagtulong sa kanyang scholars.

Kasalan sa Rehas

Kasal na lang ang kulang sa 32-taon na pagsasama nina Rodolfo at Letty.

Ang kanilang love story ay naudlot nang makulong si Rodolfo sa kasong possession of drugs. Mula noon ay mag-isang itinaguyod ni Letty ang kanilang pamilya.

Ngunit sa likod ng rehas ay patuloy na umaasa si Rodolfo na makasama ulit ang kanyang mga mahal sa buhay.

Hindi man nakalaya, nagawan naman ng paraan para mabigyan sila ng happy ending. Isang simple ngunit madamdaming kasal ang naganap sa Mandaluyong City Jail.

Ang ilan sa kanyang anak at apo ay ngayon lang ulit nakita ni Rodolfo.

Sa kabila ng kanilang pagsasama, ay kitang-kita pa rin ang tamis ng pag-ibig ng bagong kasal.

At para matulungan si Letty at 7 anak, binigyan sila ng mga paninda para makapagsimula ng sari-sari store.

Kampante na si Rodolfo na mas magiging maayos ang buhay ng kanyang mag-iina.

Pagmamahal para sa mga Kapamilyang Mangyan

Isang bayanihan para sa mga Mangyan ang sinimulan ng Sagip Kapamilya.

Ang pangangailangan sa edukasyon ng mga taga-Sitio Upper Yunot Bulalacao, Oriental Mindoro ay naisakatuparan na. Dalawang bagong klasroom ang naipagawa at naglagay din ng Educational Television sa Upper Yunot Elementary School.

Malaking tulong ito para sa mga batang Mangyan na gustong makapag-aral. Ang ilang buwan na feeding program para sa mga bata ay nagbunga ng maganda dahil isa-isa na silang nagiging malusog.

Happy Pustiso Para sa mga Bungi

Mga bungi na nahihiyang ngumiti ay isa-isang nagkaroon ulit ng kumpiyansa sa sarili.

Sampu sa mga bungi ng Sapang Kangkong Balara, Quezon city ang nabigyan ng pustiso ng HAPPY PUSTISO caravan. Ang mga dating walang pampagawa ng pustiso ay sinimulan na ang walang tigil na pagngiti.

Isa na rito si Jaime na sinasabing nahihirapang makahanap ng trabaho dahil sa pagkawala ng dalawang ngipin sa harapan.

Ayon kay Jaime, importante pa rin na maging presentable sa paghahanap ng trabaho.

Ngayon na kompleto na ang kanyang ngipin, malaki ang paniniwala ni Jaime na magkakaron na siya ng trabaho.

Ang lector-commentator naman na si Eden ay mas ginanahan na magsalita sa simbahan dahil hindi na siya bungi.

Ang dating kulang-kulang na ngipin ay napalitan na ng pustiso na talaga namang nagpasaya sa kanya.
Sa tulong ni Dr. Noel Velasco ay sumigla na ang ngiti ng mga dating bungi dahil sa kanilang libreng pustiso.

At nang tanungin kung sila ay happy, isang malaking ngiti sabay sigaw ng “Happy na kami!” ang ibinigay ng mga dating bungi.
 


Bookmark and Share