Saklolo: Ang pamangkin kong adik

Posted at 03/07/2013 4:05 PM
Nanay Lina: Nasasaktan ako, parang anak ko na rin sila, e.

Tahimik at masayang buhay sana ang gustong ibigay ni Nanay Lina sa dalawa niyang pamangkin na sina Ryan at Angelo. Bata pa lang sila nang ihabilin kay Lina ng kanyang yumaong kapatid. Ngunit ang maayos nilang pagsasama ay unti-unting nasira dahil sa pagkahumaling ni Angelo sa droga.

Noong una ay malapit si Angelo kay Lina, na itinuring na niyang parang tunay na ina. Kahit may kakulitan
ang bata, nanatili siyang malambing kay Lina.

Ngunit habang tumatanda, napasama sa barkada ang binata. Naging masamang impluwensya sa kanya ang mga kaibigan. Lagi itong lumalabas kahit dis-oras na ng gabi.

Sinubukan ni Nanay Lina na maging mas mahigpit sa pamangkin ngunit hindi ito nakinig. May mga pagkakataon pa na napapasama ito sa gulo. Ang duda ni Nanay Lena, lulong sa droga ang pamangkin.

Isang beses, nabugbog ng isang grupo ng kalalakihan si Angelo. At sa hindi sinasadyang pag-depensa sa sarili ay nasugatan ng binata ng kutisilyo ang isa sa mga kaaway. Nakulong si Angelo ng isang buwan. Ayon sa kanya, nakaranas siya ng pang-gugulpi sa kamay ng mga kasama sa piitan.

Dala ng awa at pagmamahal sa pamangkin, gumawa ng paraan si Nanay Lena para mapiyansahan si Angelo. Ginawa niya ito kahit na kailangan rin niya ng perang pampagamot sa idinadaing niyang pananakit ng dibdib.

Nang makalabas sa kulungan, sinikap niya na magbagong buhay si Angelo. Lumipat sila nina Ryan sa bahay ng kanyang tiyahin.

Nakahanap ng trabaho si Angelo bilang isang kusinero. Ang buong akala ni nanay Lena ay matino na si Angelo, ngunit ipinagtataka niya ang mga ikinikilos nito. Madalas itong gabihin ng uwi. Wala rin itong naiuuwing pera at mahilig itong magbutingting ng kung anu-anong gamit sa bahay.

Nang si Angelo na rin ang naging bantay sa computer shop ng kamag-anak, madalas mawala ang mga parte ng ilang computer dito. Ipinagtanggol ni Nanay Lena ang pamangkin sa mga pagdududa ng kamag-anak, ngunit nahuli sa akto si Angelo na nagnanakaw sa computer shop.

Muling nakulong si Angelo dahil sa pagnanakaw. Hindi nagtagal, nakumpirmang gumagamit nga siya ng bawal na gamot, at inilipat sa isang rehabilitation center para mawala ang  pagka-adik sa droga.

Masakit man ang paghihiwalay nila, umaasa parin si Nanay Lena na sa muli nilang pagkikita ay tuluyan nang nalimutan ni Angelo ang masamang bisyo.

Aired on February 27, 2013