Salamat Dok: Dysmenorrhea

Posted at 03/19/2012 1:33 PM | Updated as of 03/21/2012 4:33 PM

Ang Dysmenorrhea o menstrual cramps ay sakit na nararanasan ng mga babae kapag may regla. Ang pananakit na ito ay nagsisimula sa bandang baba ng tiyan, hanggang sa balakang at mga hita. Ang salitang dysmenorrhea ay hinango sa sallitang Griyego na ang ibig sabihin ng “dys” ay mahirap, masakit o abnormal,  ang “meno” ay month  o buwan at ang “rrhea” naman ay daloy o flow. 

Anong nangyayari kapag may dysmenorrhea?

“Ang dysmenorrhea ay nangyayari a day or 2 before at during the menstruation. Habang nagme-mens ang isang babae, ang uterus, since it’s a muscle, ay naglalbas inilalabas na chemical, tinatawag nating prostaglandin, which causes the pain. Pag contract n’ya, paglabas ng blood, iyon ang masakit, ” paliwanang ni Dr. Sharon Mendoza, isang OB Gynecologist.

Ang dalawang puti sa gilid ay tinatawag na obaryo -- naglalabas ng egg cell kapag fertile ang isang babae. Paglabas ng egg cell, pupunta ito sa fallopian tube para maghintay ng semilya ng lalaki. Kung hindi ito ma-fertilize, kasabay ng pangangapal ng lining ng matris, lalabas ito sa buwanang dalaw o menstruation. Ang prosesong ito ang maaaring pagmulan ng menstrual cramps. Kung sobrang sakit ang nararamdaman, tinatawag natin itong dysmenorrhea.

Dalawang Uri ng Dysmenorrhea

  • Primary Dysmenorrhea. Wala itong pisikal na dahilan bukod sa hormones. Umpisa pa lamang magkaroon ng menstruation and isang babae, may nararamdaman ng sakit.
  • Secondary Dysmenorrhea. Walang dysmenorrhea sa unang pagkakaroon ng regla pero  nagkakaroon habang tumatagal. Maaaring ang pinagmulan nito ay iba pang sakit o kondisyon ng isang babae tulad ng impeksyon, ovarian cyst o endrometriosis

Kaibahan ng Premenstrual Syndrome o PMS sa Dysmenorrhea

Ang PMS ay kombinasyon ng emosyonal at pisikal na nararamdaman bago magkaroon ng regla. Ang dysmenorrhea naman ay pisikal lamang na nararanasan habang may buwanang dalaw.   

May Remedyo Dyan!

Sa mga babaeng nakakaranas ng dysmenorrhea, narito ang ilan sa maaaring n’yong gawin para maibsan ang sakit:

1. Hilutin ang puson.

2. Humiga na may unan na nakasuporta sa tuhod.

3. Gumamit ng maligamgam na tubig sa paliligo.

4. Heat Theraphy o Hot Compress

  • Magpakulo ng 2 basong tubig at isalin sa bote.
  • Takpan nang maigi at balutin ng bimpo
  • Ipatong sa sumasakit na puson
  • Palitan ang tubig kapag lumamig na. Ulit-ulitin hanggang humupa ang pananakit.

Ayon kay Dr. Sharon Mendoza, sumisikip ang mga daluyan ng dugo kaya nakakaramdam ng kirot sa puson. Ang hot compress ay makakatulong para lumuwag ito.

5. Yerba buena Tea 

Napatunayan na sa maraming pag-aaral na ang Yerba Buena ay itinuturing na isang analgesic o pain reliever.

  • Ilagay sa 1 basong tubig ang isang dakot na dahon ng yerba buena
  • Pakuluan sa loob ng 3 minuto
  • Isalin sa tasa at palamigin ng bahagya
  • Inumin ng maligamgam

Paano maiiwasan ang dysmenorrhea?

  • Ugaliing mag-ehersisyo bago dumating ang buwanang dalaw. Nakatutulong ito para lumabas ang endorphins o natural painkillers ng ating katawan.
  • Iwasan ang matatamis at maaalat na pagkain.
  • Bawasan ang pag-inom ng kape at softdrinks.
  • Itigil ang paninigarilyo.

Mga Kadalasang Tanong 

Bakit kapag nanganganak nawawala ang dysmenorrhea?

Kapag nanganak ang isang babae, naiitama ang level ng hormones sa katawan. Hindi ito nangyayari sa lahat ng babae. Ang iba, mas lalong nagkakaroon ng dysmenorrhea pagkatapos manganak.

Maaari bang gumamit ng pain reliever?

Subukan muna ang hot compress at pakalmahin ang sarili. Kapag hindi na kaya, huwag matakot uminom ng pain killer, 1 tableta kada 8 oras. Kung walang epekto ang gamot, hindi ibig sabihin wala itong bisa. Maaaring may iba pa kayong kondisyon o sakit.

Totoo bang nakakawala ng kirot ang pag-inom ng beer?
   
Wala pang pag-aaral na makakapagpatunay nito. Ang pag-inom ng beer ay nakakapagpakalma kaya akala n’yo nawawala ang sakit.

Bawal bang maligio kapag may regla?

Ipinapayo ng doctor na maligo ng maligamgam na tubig kapag may buwanang dalaw para mapanatili ang kalinisan ng katawan.  Hindi bawal ang malamig pero maaari itong makaapekto sa pagsikip ng daluyan ng dugo – with reports from Jerome dela Cruz and Gina Tobias, aired January 7, 2012