Saklolo: Baby Uno, ipinanganak sa presinto

Posted at 04/08/2013 5:06 PM | Updated as of 04/17/2013 5:34 PM
Saklolo: Baby Uno, ipinanganak sa presinto

Halos 12 oras na nakatayo sa mahigit dalawang oras na byahe papunta sa pinapasukang mall.

Ganito ang kalbaryo ni "Carina" araw-araw bilang isang Lady Guard. Dagdag pa sa kanyang hirap ay ang maselang kalagayan sa pagbubuntis.

Gustuhin man sana ni Carina na itigil muna ang trabaho ay hindi niya magawa sapagkat kapos silang mag-asawa. Walang trabaho ang kanyang mister. Ang maliit niyang kita ay pilit nilang iniipon para sa panganganak.

Sa kasamaang palad, nang mag-aanim na buwan na ang tiyan ni Carina ay pinahinto naman siya ng kanyang manager sa pagtatrabaho dahil na rin sa kaniyang kondisyon.

Mabuti at nakakuha ng trabaho sa ibang bansa ang asawa ni Carina, ngunit marami silang utang na binabayaran.

Isang araw, nakaramdam si Carina nang paghilab ng kanyang tiyan. Ngunit dahil hindi pa iyon ang naitakdang petsa ng kanyang panganganak ay nagpasya siya na magpacheck-up lang muna.

Dahil kapos sa panggastos at hindi kayang bayaran ang pamasahe ng dalawang tao ay tumanggi siyang magpasama sa biyenan.

Mag- isang pumunta sa Ospital ng Maynila Medical Center si Carina.

Sumakay siya sa bus na inakala niyang magdadala sa kanya sa ospital, ngunit huli na nang napansin niyang mali pala ang kanyang nasakyan.

Nang makababa si Carina ay sinubukan niyang maghanap ng tamang masasakyan patungong ospital. Ilang minuto rin siyang naglakad bago niya naramdaman na naiihi na sya. Nagsimula na ring sumakit ang kanyang tiyan.

Naisipan nyang makiihi sa istasyon ng Traffic Enforcement Sector-1 sa Balintawak. Naka-duty noon si Field Investigator Christian Barcase, na siyang tumulong kay Carina.

Ngunit hindi lang pala basta naiihi si Carina. Naramdaman niyang lalabas na pala ang kanyang dinadalang bata.

Pinatuloy ng mga pulis si Carina sa loob ng isang maliit na kwarto sa istasyon na tila photocopying area. Napapasigaw na si Carina sa sakit, kung kaya't nataranta na rin ang mga pulis.

Humingi sila ng saklolo sa matandang babae na nakitulog sa presinto.

Walang doktor, walang nurse. Tanging pulis lamang at isang matandang babae ang nagsilbing komadrona ni Carina sa panganganak sa sanggol na binigyan ng palayaw na “Uno”, mula sa Presinto 1.

Matapos ang anim na buwan ay kasalukuyang nasa mabuting kalagayan na si Uno at si Carina. Nagpapasalamat si Carina sa mga tumulong sa kanya. Ang mga pulis naman ay lubos ring nagpasalamat na ligtas ang isang sanggol na hindi nila inakalang mailuluwal sa kanilang istasyon.

Aired on April 3, 2013