Salamat Dok : Ang pandan, bow!

Posted at 04/26/2012 4:48 PM | Updated as of 05/01/2012 11:30 AM

Kilala sa Asya at ibang panig ng mundo ang dahon ng pandan dahil sa kakaiba nitong taglay na amoy. Pero, hindi lang bango ang katangian ng pandan, marami itong taglay na benepisyo!

Sa Pilipinas, malimit na itong nihahalo sa kanin, hindi lang pampabango kundi bilang pampagana rin. Hindi ba’t habang kumukulo ang kanin ay pumapailanlang ang bango nito sa buong bahay?

Nakakagutom kapag naamoy mo ito at siguradong maeengganyo kang kumain kahit hindi masarap ang ulam. Dahil dito, marami ang gumagamit ng dahong ito bilang pampalasa sa anumang lutuin.

Napatunayang ang pandan ay mabisang gamot hindi lamang dahon kundi pati ugat dahil sa taglay nitong essentia oils na tannin, alkaloids at glycosides. Nakakapagpahupa ito ng pananakit ng ulo, rayuma at iba pang kirot ng katawan.

Panlaban din ang pandan sa mikrobyo sa balat at nakakatulong sa madaling paghilom ng sugat. Ang balat ng halamang ito ay maaari ring gamitin sa iba pang sakit sa balat. Sa India, ginagamit ang dahon ng pandan sa ketong at bulutong. Sa Hawaii naman, ang bulaklak nito ay nginunguya ng mga ina at ipinapakain sa mga batang hirap dumumi.

Ooops, hindi lang yan! Sinasabing ang dahon ng pandan ay may taglay na panlaban sa kanser kaya patuloy na isinasagawa ng mga eksperto ang pag-aaral tungkol dito.

Para makuha ang mga benepisyo ng pandan, huwag naman kayong magsaing nang magsaing. Narito ang isa sa mga pwede n’yong gawin:

Iced Pandan-Dalanghita Juice

Bagay na bagay sa mainit na panahon ang ituturo naming recipe – ang Iced Pandan-Lemon Juice!
Sangkap
1 litrong tubig
2 tea bags
1 tasang asukal (white or brown)
1 lemon (dayap, dalanghita o kalamansi)
5-7 dahon ng pandan

 

Direksyon

• Pakuluin nang 10 minuto ang 1 litro ng tubig kasama ang dahon ng pandan.
• Ilagay ang tea bags, pakuluan nang 3 minuto at saka alisin.
• Ilagay ang katas ng lemon at asukal at haluin.
• Palamigin sa refrigerator o hintaying lumamig bago ilagay sa basong may yelo.

O ayan, mayroon ka nang pampalamig na mura’t masustansya! Maaari rin itong panghanda sa mga bisita anumang okasyon. Pinapasarap na ang lutuin, pinapaganda pa ang kondisyon ng katawan mo. ‘Yan ang Pandan! Bow! with reports from Gina Tobias and Gregy Nillo (Intern), Segment: May Remedyo Dyan!

Source: Philippine Herbal Medicine
Tags: Pandanus amaryllifolius, alternative medicine, natural healing, health, wellness, summer drink, herbal, medicinal, Pandanus tectorius

January 14, 2012