XXX: Cybersex performers

Posted at 04/27/2011 9:13 PM | Updated as of 04/29/2011 12:14 AM

Cybersex o pakikipagtalik sa Internet. Ito daw ang nagsisilbing hanapbuhay ngayon ng ilang mga kababaihan sa Taguig City.

Ito ang itinimbre sa XXX ng nagpakilalang si Mildred. Ayon sa kanya, anim na buwan din daw siyang nakipag-cybersex para kumita ng pera.
 
Sa sampung piso (P10) kada minutong bayad sa kanilang serbisyo, kahit paano daw ay nakapag-ipon din siya.
 
Ganoon pa man, batid daw ni Mildred na may mali sa kanyang hanapbuhay noon.
 
"24 hours ‘yong operation, may pang-umaga, may panggabi. Ang ginagawa namin, mang-aakit kami, tapos kapag may guest, ipa-private namin ‘yong chat, tapos ayon. diskarte na namin iyon kung magkano pagbabayarin ‘yong mga makikipag-cybersex sa amin."
 
Personal daw ang dahilan ni Mildred kung bakit hindi na sya nagtagal pa sa ganoong hanap buhay.
 
Pero, para naman daw sa kanyang mga dating kasamahan sa pinagtrabahuhang cybersex den ang kanyang ginawang pagsisiwalat sa XXX, lalo't alam niyang pare-pareho silang nabababoy at naaabuso ng kanilang mga parokyanong foreigners at ng kanilang among babae na si Benedicta Caluag.
 
March 18, 2011 nang bumalik si Mildred sa pinagtrabahuhang cybersex den. Bitbit niya ang spy camera na siyang mag-dodokumento ng mga eksena sa mga lugar na iyon.
 
Matapos ang kanyang ginawang pag-a-undercover, positibong nabidyuhan ang sari-saring kagamitang ginagamit daw sa naturang operasyon ng cybersex sa lugar.
 
Gaya ng mga computers, bote at sari-saring gulay gaya ng talong at pipino, na ayon kay Mildred ay nagsisilbing sex toys ng mga models doon.
 
Nakunan din ng kamera ang mga dati niyang kasamahan habang nakikipag-chat, at nasa kalagitnaan ng kanilang pakikipag-cybersex.

Huli sa akto ang dalawang cyberserx performers sa kalagitnaan
ng kanilang “performance” sa Internet.

Dahil sa ebidensyang video na napasakamay ng XXX, sa tulong ng pulisya ay isinagawa ang raid sa tatlong bahay, na positibong nabidyuhan na pinagdarausan ng mga cybersex activities.
 
Kasama si Pinky Webb, isa-isang pinasok ng mga awtoridad ang mga silid sa bawat bahay, kung saan huli sa akto ang mga kababaihan suot ang kanilang mga underwear at ang ilan ay nasa kalagitnaan ng kanilang pakikipag-chat.
 
Sa panayam ni Pinky Webb sa mga babaeng modelo, kahirapan daw ang nagtulak sa kanila upang pasukin ang ganoong “kapit sa patalim” na hanapbuhay kahit sa maliit na kitang P2,000 kada buwan.
 
Samantala, nakausap din ni Pinky Webb ang sinasabing operator ng naturang cybersex den, na katulad ng inaasahan ay itinanggi ang mga malalaswang kaganapan sa loob ng kanyang bahay.

Kausap ni Pinky Webb ang may-ari at operator ng cybersex den
na si Benedicta Calauag.

Pinky: ‘Nay hindi po ba kayo nagi-guilty doon sa pinasukan niyong business para dito sa mga babaeng ito? Na mismong anak niyo kasali pa?
 
May-ari: Bakit naman po magi-guilty eh gusto naman namin ang trabaho namin.
 
Pinky: Ibig ko pong sabihin iyong nandyan po kayo, iyong mga babae bumubukaka sa computer, kung anu-ano ang pinapasok sa kanilang ari para kumita ng pera, nakakatulog po ba kayo ng mahimbing sa gabi na alam niyong ganyang ang ginagawa ng mga babae sa loob ng bahay ninyo?
 
May-ari: Hindi ko naman tinitingnan eh. ‘T’saka hindi ko naman talaga alam na ganoon ang nangyayari sa loob. Naririnig ko lang nagsasayaw.

Pinky: Hindi mo alam walang saplot?

May-ari: Hindi po.
 
Matapos ang isinagawang raid, isinama ng mga awtoridad ang siyam na kababaihang naabutan sa tatlong cybersex den, kabilang ang may-ari at anak nito sa presinto, kung saan sasampahan sila ng karapatang kaso.

Ang mga ebidensyang computer na gamit sa nangyayaring
cybersex sa lugar.