Krusada: Bakwit

Posted at 05/15/2012 11:31 AM | Updated as of 05/15/2012 3:10 PM

Mahigit apat na dekada na ang nakakalipas pero patuloy pa rin ang giyera sa pagitan ng pamahalaan at ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA).

Sa gitna ng deka-dekadang bakbakan na ito, ang mga inosenteng Lumad ang siyang naiipit at labis na naapektuhan. Sila ang mga katutubong Filipino na nakatira sa mga bulubunduking bahagi ng ating bansa at marami sa kanila ay matatagpuan sa CARAGA Region, Mindanao.

Komunidad daw nila ang target ng militar: nagpapasabog at nagpapaputok upang lumikha ng matinding takot sa mga katutubo kagaya nila. Dahil dito, napipilitan silang lumikas o mag-"bakwit".

Sa kanilang mabilisang paglikas o evacuation, naiiwan nila ang kanilang mga tirahan at kabuhayan. Nahihinto din ang pag-aaral ng maraming bata at natitigil ang kanilang nakagawiang pamumuhay.

Silang mga walang kinalaman at walang laban ay napapatalsik sa kanilang kinagisnang tirahan dahil sa gulo. Ang problema sa kaso ng mga bakwit sa Mindanao, tila walang nakikinig at walang pumapansin sa kanila, maging pamahalaan man o lipunan.

Saan na sila lulugar? Hanggang kailan sila tatakbo, lilikas at magiging “bakwit”?

Sa susunod na Krusada, samahan si Karen Davila sa kanyang pagbisita sa mga nag-bakwit na Lumad.

“Matagal nang tinatangkang sugpuin ng pamahalaan ang rebelyon ng NPA sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas. Patuloy ang counter insurgency operations ng military laban dito. Pero sa gitna ng bakbakang ito, mga inosenteng indibidwal ang nadadamay. Pakiramdam pa nila’y imbes na napoprotektahan, parang sila pa ang nagiging target ng giyerang ito.”

Kamustahin ang mga naninirahan sa tent city ng Ba-Oy Dam, Surigao del Sur. Dito makikilala ang mag-inang Esther at Evangeline. Balot pa rin ng takot si Aling Esther sa naging operasyon ng militar sa kanilang lugar kaya kahit mas mahirap, mas pinipili nilang dito muna manatili. Hirap man sa buhay, patuloy naman ang pangarap ni Evangeline na maipagpatuloy ang kaniyang pagaaral.

Bibisitahin din ang Zapanta Valley, Agusan del Sur, kung saan matatagpuan ang komunidad na kakabalik lamang sa kanilang tirahan pagkatapos mag-“bakwit”. Magiging payapa na kaya ang pamumuhay nila?

Mapapanood ang Krusada sa Huwebes, ika-17 ng Mayo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, making at makiisa sa Krusada at mag-kumento sa aming Facebook Fanpage! Huwag kalimutang i-“like” ang http://facebook.com/Krusada

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.