XXX: Isnatcher

Posted at 05/22/2012 12:54 AM

Sa ilalim ng tirik na araw sa panulukan ng EDSA at Kamuning, Quezon City, isang hindi inaasahang pangyayari ang naengkwentro ng noo’y nakarondang XXX team. Isang lalaki daw kasi ang biglang humablot ng kwintas ng isang lola.

"Hindi matanggap ni Lola Priscilla na nai-snatch ang pinaka iingatan nyang kwintas."

April 24, habang naka-ronda ang XXX team sa panulukan ng EDSA at Kamuning, isang lola ang nakatawag pansin sa grupo.

Si Priscilla Zulueta, 68 anyos.

Noo’y humahangos ang matanda dahil naging biktima daw sya ng snatching!

Bagamat hindi namin naidokumento ang pangyayari, isang cellphone video naman ang noo’y hawak hawak nya at ipinakita sa amin.

Kuha daw ang videong iyon ng isinagawang citizens arrest sa lalaking nang-snatch sa kanya.

LOLA PRISCILLA: Mabilis po ang pangyayari. Kunwari ay nagtatanong sya sa akin, pagkatapos parang nakasilip sya sa dibdib ko. Pagkatapos, bigla na lang nyang hinalbot ang kwintas ko.

Mabuti na nga lamang daw at may isang grupo ng mga concerned citizen ang tumulong sa kanya, para habulin at mahuli ang snatcher.

LOLA PRISCILLA: Nung inisnatchan ako, isang van ang tumigil sa harap ko, sabi nila ‘Tara nanay habulin natin!’, kaya sumakay ako. Pagkatapos ayun nga, nakita naming paliko-liko sya, pero nahuli pa rin.

Sa presinto, positibong kinilala ni lola Priscilla ang lalaking nambiktima sa kanya.

"Hindi na nakapalag ang binatilyong snatcher nang pagtulung-tulungan syang hulihin ng mga awtoridad at taong bayan."

Sa puntong iyon, bagamat nabawi ng matanda ang kanyang kwintas, nanlulumo parin syang humingi ng tulong sa amin, dahil ang pendant daw na pinaka-pinahahalagahan niya ay siyang nawawala.

Noo'y umiiyak na nagmakaawa ang matanda sa nahuling snatcher na nagpakilalang si Marco Lagarto, 18 anyos.

LOLA PRISCILLA: Sabihin mo kung nasaan! Alam mo bang pinaghirapan ko yon? Iyon lang ang kayamanan ko!

MARCO: Wala nga 'nay, nalaglag dun sa pinagkuhanan ko.

LOLA PRISCILLA: Nasaan na yung pendant? Pinaghirapan ko yun.

Sa naging panayam ng XXX kay Marco, naging matipid ito sa kanyang mga kasagutan.

Pero sa profiling na isinagawa ng awtoridad, miyembro daw si Marco ng "Bahala na Gang."

SPO1 ARIEL EUFEMIO: Ang modus po ng Bahala na Gang, may dala na po silang ibang damit. Kapag nakapambiktima sila, humahalo sila sa ibang tao at tsaka nagpapalit ng damit, para hindi na makilala.

Sa ngayon, nakakulong si Marco habang naghihintay ng paglilitis sa kasong Robbery Snatching.

Ito ang ilang maaaring gawin upang maiwasan maging biktima ng snatching o pagnanakaw:

1. Iwasang magsuot ng makikinang na alahas sa matatao at masisikip na lugar. Hangga’t maaari ay huwag nang magsuot ng alahas sa mga pampubliko at hindi ligtas na lugar.

2. Maging alisto sa iyong mga kasabay sa daan. Kung may napapansing taong may kakaibang kilos, pumasok sa isang tindahan o gusali at ipag-bigay alam ito sa gwardya.

3. Huwag basta-basta makipag-usap sa hindi kakilala.

4. Kung naging biktima ng pagnanakaw, mas mabuting ipagbigay-alam kaagad ito sa kinauukulan, sa halip na makipag-habulan sa salarin.