Saklolo: Magkaibigan, nabundol ng trak

Posted at 05/21/2013 10:47 AM | Updated as of 05/21/2013 10:47 AM

Nabunggo at nakaladkad ng trak ang mga estudyanteng sina Tin at Greg habang papatawid sa Araneta Avenue, Quezon City. Ang masaklap, naipit sa gulong si Tin.

"Humingi po ako ng saklolo pero walang lumalabas sa bibig ko," sabi ni Tin.

Ayon sa kanya ay nagdilim na ang paningin niya pero pinilit nalang niyang dumilat. Ang nagpalakas sa kanya ay ang kagustuhang mabuhay at tuparin ang kanyang mga pangarap.

Kahit hirap sa buhay si Tin ay masipag itong mag-aral. Laking tuwa nga niya dahil siya ay nakapasok sa Top 5 sa klase. Noong araw na pirmahan ng clearance, pinilit niyang pumasok kahit kakaunti ang baon na pera.

Kasama niya ang mga kaklase. Patawid sila nang maganap ang trahedya. Nabundol si Tin at Greg ng isang delivery truck. Nakaladkad ang dalawa at pumailalim sa sasakyan.

Buti na lang at may mababait at matutulunging mga taong nakakita sa kanila at pinilit silang alisin sa pagkakaipit ng trak. Nagtulong-tulong ang mga tao na itulak ng unti-unti ang sasakyan. Naunang nakaligtas si Greg. "Habang nasa ilalim ng trak, nagdasal na lang ako na sana mabuhay pa ko," ani Greg.

Sumaklolo kina Tin at Greg ang mga taong nakakita sa pagkakasagasa sa kanila ng trak (screen capture mula sa actual video ng naganap).

 

Si Tin naman, himala na nabuhay dahil sa matinding pagkakaipit sa gulong ng trak. Matagumpay na nasaklolohan ang dalawa sa pagkakaipit sa trak, kahit halos gumapang na sa paglabas si Greg at wala nang saplot si Tin.

Bukod sa matinding galos na natamo ng dalawa ay kailangan din nilang sumailalim sa isang operasyon. Sila naman ay hindi iniwan ng operator ng trak at sila ay pinanagutan.

Nang makita nilang muli ang tumulong sa kanila upang maalis sa pagkakaipit nila, ganun na lamang ang kanilang saya at pagpapasalamat sa kanya.

Aired on April 24