Ako ang Simula: Suntok Para sa Kinabukasan

Posted at 06/01/2012 12:02 PM

Sa bawat suntok at laban na sinasalihan ng bokisngero na si Emmanuel Sapo, pamilya ang nagsisilbi niyang inspirasyon. Mula sa Polangui, Albay, lumuwas siya patungo ng Maynila para makamit ang tagumpay.

Hindi lang sa loob ng boxing ring ang laban ng 19-taong gulang na si Emman. Nagtatrabaho rin kasi siya para tustusan ang pangangailangan ng pamilya. Pangsampu sa labing tatlong magkakapatid si Sapo. Pangarap din nga ng kanyang kapatid na lalaki ang maging boksingero. Pero sila lang ng kanyang Kuya Israel ang nagpatuloy sa pagboboksing.

Dumating ang oportunidad sa pagboboksing isang araw na nagtitinda sila ng isda kasama ang nanay. Nang makita ang kanilang potensyal, agad silang sinabak sa pormal na training. Nagsimula narin silang lumaban sa mga amateur match.

Nang unti-unti na silang sumisikat, isang dagok ang dumating sa magkapatid. Nagkasakit si Israel sa puso. Ang bilin ng kuya ay ituloy ni Emman ang sinimulang pangarap.

Gaya ng libo-libong Pinoy na handing magsakripisyo para makaahon sa hirap, pumasok si Emman bilang pahinante ng bigas sa Maynila. Siya rin ay naging carwash boy at tinder ng sigarilyo hanggang sa makahanap ng gym na papasukan. Nitong taon lang, pinalad siyang makapasok sa Elorde Gym sa Sucat. Nagtuturo din siya sa mga mas nakababatang boksingero. Si Sapo ay may record na 62-3 sa amateur level at 1-1 naman sa professional level.

Kahit batak na ang katawan ay may iniinda parin siyang problema. Kulang siya sa mga gamit sa pagboboksing at mga vitamins. Dagdag pa dito ang pangungulila ni Emman sa pamilya na limang taon nang hindi nakikita. Imbes na gastusin ang maliit na kinikita sa pamasahe ay pinapadala niya na lang ito para sa kanila.

Kasama ang ilang staff ng Ako ang Simula, umuwi si Emman para surpresahin ang pamilya. Sulit ang halos labingdalawang oras na biyahe dahil lubos ang kaligayahan ng pamilya Sapo. Baon ni Emman ang mga yakap at tawanan na lalong nagpatibay ng kanyang loob.

Pagbalik sa Maynila ay isa pang surpresa ang nagbigay inspirasyon kay Emman. Sumali sa kanyang training ang WBO Two-Division Champion na si Donnie "Ahas" Nietes. Pagsisikap at determinasyon ang kanyang binigay na payo kay Emman Dagdag inspirasyon kay Emman ang binigay ni Nietes na mga gamit pang-boksing.

Isang mahaba at mahirap na daan pa ang tatahakin ni Emman para sa inaasam na World Boxing Title. Pero handa siyang lumaban, hindi lang para sa sarili kundi para sa pamilya.

Aired on May 23