Krusada: 'Kalat'

Posted at 06/07/2012 9:13 AM | Updated as of 06/08/2012 4:11 PM

Tapos na ang bakasyon at tag-araw. Balik eskwela na nga ang mga estudyante. Pero sa kanilang pagpasok sa paaralan, pumasok na din ang panahon ng mga payong at kapote, ng ulan at ng maperwisyong baha. Talaga namang wala na ring makapipigil pa sa pagdating ng mga bagyo.

Si Bernadette Sembrano at ang kanyang asawa na si Orange Aguinaldo sa kanilang bakuran. Photo courtesy of Christine Chu

Basura ang kadalasang sinisisi natin tuwing nagbabaha. Ito kasi ang bumabara sa ating mga estero kaya naman kahit saglit na pag-ulan pa lamang ay bumabaha na. Pero hindi naman mapupunta ang sandamakmak na basura doon kung walang pasaway na magtatapon nito, hindi ba?

Susunod sa Krusada, ulat ni Bernadette Sembrano: ang perwisyong dulot ng maling pagtapon ng basura at ang tamang segregasyon nito.

"Alam na natin ang problema, pero ano nga ba ang solusyon? Kulang ba tayo sa ordinansa? O baka naman wala lang tayong disiplina?" tanong ni Bernadette.

Sila mismo ng kanyang asawang si Orange Aguinaldo ay nag-iipon at nangangalakal ng basura. Ipapakita mismo nina Bernadette at Orange kung paano nila ito iniipon sa kanilang bakuran. Nakakatulong na silang hindi makadagdag sa problema sa basura, kumikita pa sila. Kung susumahin, umaabot nga sa P80,000 hanggang P100,000 ang kinikita nila dito kada taon.

Ngunit kung sa kanila ay sistematiko ang pag-ipon at pagbenta, meron din namang nagtitis sa pangangalaykay sa mababahong estero.

Pupuntahan ni Bernadette ang Estero De Vitas kung saan pangangalakal ng basura mula sa estero ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao.

Sa edad na 10 at 11 taong gulang, halos araw-araw magkasama ang magkaibigang sina Junjun at Joshua sakay ng styro upang makakalap ng basurang maibebenta. Si Mang Manolito naman, matiyagang nag-iikot para din mamulot.

Pero ilang beses man nilang pulutin ang basura ng iba, hindi pa rin maubos-ubos ang masangsang na basurang nagkalat sa kanilang lugar.

"Ang pagbawas ng basura, nasa tao naman yun," paalala ni Mang Manolito.

Kailan nga ba tayo madadala? Bakit walang disiplina ang mga Pilipino sa pagtapon ng basura?

Mapapanood ang Krusada sa Huwebes, ika-7 ng Hunyo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo Channel 26 at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, makinig at makiisa sa Krusada at mag-kumento sa aming Facebook Fanpage! Huwag kalimutang i-“like” ang http://facebook.com/Krusada

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.

Air date: June 7, 2012