Krusada: Korte Suprema

Posted at 06/21/2012 12:20 PM | Updated as of 06/22/2012 10:34 PM

Sa kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas, niyanig ng isang matinding impeachment trial ang Korte Suprema. Noong katapusan ng Mayo, hinatulan ng impeachment court na nagkasala si Chief Justice Renato Corona.

Dahil sa naging desisyon na ito, sinasabing napatunayang kahit ang mga nakaupo sa Korte Suprema ay may pananagutan.

“Kung dati’y tinagurian silang ‘untouchable’, at misteryo sa atin ang pagkatao at karakter ng mga mahistrado ng Korte Suprema, sila ngayo’y mistula na lang na tao,” kumento ni Karen Davila.

Sa susunod na ulat ni Karen para sa Krusada, sisiyasatin ang mga antas na dapat asahan sa isang Chief Justice, pati na rin ang mga katangian na dapat taglayin ng mauupo sa puwesto.

Mga Chief Justice o Punong Mahistrado—hindi sila kasing popular ng presidente o mga senador. Subalit, ang hindi alam ng marami, nakakaapekto sa bansa at pang-araw-araw na buhay ng Pilipino ang mga desisyon ng Korte Suprema tulad na lamang ng Oil Deregulation Law at E-VAT na karagdagang buwis.

Kahit parehong iisa lang ang boto ng Chief Justice tulad ng ibang mahistrado, mas malaki pa rin ang responsibilidad nito. Ayon mismo kay Renato Puno, isang retiradong punong mahistrado ng Korte Suprema, sa bawat desisyon, nakasalalay ang kinabukasan ng bansa.

“There is more to the position of a Chief Justice that makes him the first among equals. 'Yung leadership ng ating Korte Suprema, lahat ng ating husgado nakasalalay sa kanya,” aniya.

Sa nabakanteng posisyon ng Punong Mahistrado, nasa proseso ngayon ang Judicial Bar Council sa paghahanap ng mga kandidato. Lima ang awtomatikong nominado sa ngayon. Pero sino nga ba ang dapat na mapili?

Sino ang karapat-dapat sa posisyon sa pinakamataas na korte sa buong bansa? Alamin sa Huwebes, ika-21 ng Hunyo, 2012, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2.

Dahil ang tunay na paninindigan ay hindi puro salita lamang, making at makiisa sa Krusada at mag-kumento sa aming Facebook fan page! Huwag kalimutang i-“like” ang http://facebook.com/Krusada.

Mapapanood ang replay ng Krusada tuwing Sabado, 1:30 ng hapon sa ANC.