Krusada: 'Bawal Magkasakit'

Posted at 07/04/2012 10:06 AM

Mas mahal ng 40%-70% ang presyo ng mga gamot sa Pilipinas kumpara sa mga kalapit bayan natin sa Asya. Ang resulta: walo sa bawat sampung Pilipino ang hindi kayang bumili ng gamot para sa kanilang karamdaman.

Kung ikaw ay may sakit ngunit butas na ang bulsa, ano ang iyong uunahin? Sikmura muna bago gamot o gamot muna bago sikmura?

Presyo ng mga gamot: nagmura pero hindi pa din abot-kaya? Photo courtesy of Paul Santos

 

Na-diagnose na may Lupus Nephritis ang 21-taong gulang na si Maris Escototo. Dahil sa sakit na ito, nasisira at namamaga ang kidney ni Maris. Nagdulot din ito ng maraming mga kumplikasyon. Kaya naman bukod sa dialysis, kinakailangan pa niyang gumastos ng mahigit P11,000 kada buwan para lang sa mga gamot.

Hypertension at mataas na cholesterol naman ang pinoproblema ni Bonifacio Carmona, 54 na taong gulang. Empleyado man ng Heart Center at nakakatanggap ng medical allowance na nagkakahalagang P5,000 kada taon, kinukulang pa rin ito. Pumapalya tuloy siya sa pag-inom ng gamot.

Susunod sa Krusada, ulat ni Alvin Elchico: tututukan ang naging tugon ng pamahalaan sa mataas na presyo ng mga gamot sa bansa, ang Cheaper Medicine Act.

“Kapag nagkasakit tayo, ang dami nating isinasaalang-alang. Bukod kasi sa hirap na dulot ng sakit, naku, siyempre dagdag gastos din ang dala nito. Kung sa pangkain nga sa araw-araw, hirap na ang marami nating mga kababayan, paano pa ang pambili ng gamot?” tanong ni Alvin.

Ang Cheaper Medicines Act of 2008 ay isang batas na nagpababa sa presyo ng mga gamot upang maging abot-kaya ito sa ating mga kababayang may karamdaman.

Pero sa loob ng apat na taon simula nang naipasa ito, talaga nga bang napapakinabangan ito ng mga mamamayan? O isa na naman ba ito sa hilera ng mga batas na hindi naman naisasakatuparan? Kasalanan na nga bang magkasakit ngayon?

Mapapanood ang Krusada: “Bawal Magkasakit” sa Huwebes, ika-5 ng Hulyo, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa July 7 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.