Krusada: Cagayan De Oro matapos ang Sendong

Posted at 07/10/2012 3:18 PM | Updated as of 07/10/2012 3:20 PM

Mga biktima ng Sendong—naaalala mo pa ba sila o ngayo’y nakalimutan na?

Isang linggo bago ang Kapaskuhan noong nakaraang taon, nagulat ang buong bansa sa tindi ng hagupit ng bagyong Sendong sa mga bayan ng Cagayan de Oro at Iligan sa Mindanao. Hindi lamang mga bahay kundi pati rin mga buhay ang inagaw ng trahedyang ito.

Mahigit 1,000 ang namatay at milyun-milyong mga ari-arian at pananim ang nasira. Ngunit kailanman ay hindi nito matutumbasan ang sakit at pagdurusa ng mga naulila dahil sa matinding bahang dinulot ng bagyo.

Nagluksa ang buong sambayanan sa pait ng sinapit ng ating mga kababayan nang masaksihan ang kanilang mga kwento sa telebisyon. Dumagsa ang tulong para sa mga biktima noong kasagsagan ng mga pagbabalita sa pag-asang mapagaan ang kanilang sitwasyon.

Matapos ng pitong buwan, kamusta na nga ba ang mga kababayan natin dito? Naaalala pa ba natin silang mga napinsala ng Sendong?

Nakabangon na ba sila?

Muling bibisitahin ni Karen Davila ang Cagayan de Oro, ang siyudad kung saan siya mismo nagbalita noong Disyembre upang kamustahin ang kalagayan ng mga naging biktima ng bagyo at kung paano sila nakakaraos.

“Pagkatapos ng matinding unos, paano nga ba talaga bumangon mula sa trahedya at sa dala nitong mga bangungot ng alaala ng takot, ng pait, ng pagkabigo?” aniya.

Sa kanyang pagbabalik, laking gulat niya na daan-daang pamilya pa rin ang nagtiya-tiyagang manirahan sa mga “tent cities” dahil wala pa rin silang malipatang mga bahay.

Tulad na lamang ng Tent City 2 sa Brgy. Calaanan, kung saan labis ang paghihirap ng mga nagsisiksikang residente sa init ng tag-araw. Tuwing umuulan naman, pinapasok ng tubig ang kanilang mga tent. Pinaghahatian pa ng 200 pamilya ang apat na palikuran.

Isa ang pamilya ni Ethel Sala sa mga nagtitiis sa Tent City 2. Nagkakasya silang mag-asawa at anim na anak sa iisang tent.

“Maibabalik sa normal ang buhay namin kapag meron na kaming bahay. Yung mga anak ko makakatulog na po sila ng mahimbing. Ngayon, lalo na po kapag umuulan, natatakot kami, gumigising, lumalabas. Yun ang phobia na binigay ng Sendong. Hindi ko malilimutan.”

Paano at kalian pa ba bubuti ang kanilang sitwasyon?

Mapapanood ang Krusada: “Cagayan de Oro matapos ang Sendong” sa Huwebes, ika-12 ng Hulyo, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa July 14 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang apat na episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website [http://abs-cbnnews.com/krusada].

Air date: July 12, 2012