Krusada: 'PAGASA'

Posted at 07/19/2012 10:56 AM

Inaasahang 20 bagyo ang papasok sa ating bansa ngayong taon. Masasabi nating hindi na ito bago para sa ating mga Pilipino dahil taun-taon na lang ay binabagyo ang bansa. Pero sa kabila nito, tila hindi talaga ito isang bagay na makakasanayan kailanman.

Si Henry Omaga-Diaz kasama si Mahar Lagmay, executive director ng Project NOAH. Photo courtesy of Alyssa Go Montesa

Noong nakaraang linggo lamang sa Krusada, tinalakay natin ang bagyong Sendong at ang pasakit na dinulot nito para sa mga residente ng Cagayan de Oro.  Hindi maitatangging maraming buhay ang inaagaw at ari-ariang sinisira ang mga bagyo.

Pero bakit nga ba nangyayari ito? Kulang ba ang ating gobyerno at ang ahensyang tulad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa pagbibigay ng abiso o babala sa mga posibleng mangyari?

Sapat ba ang mga kagamitan ng PAGASA upang maagapan ang mga sakuna o kulang-kulang na, palyado pa?

Sa susunod na Krusada, sa ulat ni Henry Omaga-Diaz, tatalakayin muli ang mga bagyo, pati na rin kung ano ang mga makabagong hakbang na isinasagawa ng PAGASA upang mas mapabuti ang kanilang serbisyo sa publiko.

“Hindi natin maiaalis ang takot at pangamba ng ating mga kababayan. Sino ba naman ang hindi, eh sa tuwing darating ang panahon ng malakas na ulan, paulit-ulit na lang ang mga nagaganap na sakuna,” sabi ni Henry.

May pag-asa ba tayong maasahan mula sa PAGASA? Gaano nga ba ka-fearless ang forecasts nila?

Hindi lang delubyo at kamatayan ang dala ng malalakas na bagyo sa bansa. Nagdadala din ito ng mga leksyon kung paano natin maiiwasan ang mga trahedya.

Bilang tugon sa naging kautusan ng Pangulong Benigno Aquino III na mas paunlarin ang pagsasagawa ng weather forecast sa bansa, inilunsad ng Department of Science and Technology at PAGASA ang “Project NOAH: Nationwide Operational Assessment of Hazards,” isang hazard map na gumagamit ng makabagong teknolohiya upang makapag-abot ng babala at importanteng impormasyon ukol sa baha, anim na oras bago pa man dumating ang bagyo.

Paano nga ba gumagana ang NOAH? Gaano kaya ito kaepektibo?

Mapapanood ang Krusada: “PAGASA” sa Huwebes, ika-19 ng Hulyo, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa July 14 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: July 19, 2012