Pangalawang pagbabago na hatid ng proyektong Happy Computer

Posted at 07/19/2012 10:29 AM | Updated as of 07/19/2012 10:32 AM

MANILA, Philippines - Maging kampeon kaya sa mga patimpalak ukol sa computer ang mga mag-aaral kung wala naman silang magamit na computer? Ganito ang sitwasyon sa South Central School sa Alcala, Pangasinan. Taun-taon humahakot ng parangal ang mga estudyante kahit nag-iisa lang ang kanilang computer. Ngunit nag-iisa na nga ito ay nasira pa. Pangamba ng mga guro, baka hindi na ulit manalo ang kanilang mga pambato.

Isa si Jayson Dancel sa mga estudyanteng nangangarap na magkaroon ng bagong computer ang kanilang paaralan. Nanguna si Jayson sa mga kasabayan niya sa grade six at mula kinder, siya ang laging first honor. Pursigido siyang mag-aral para balang araw ay makatulong sa kanyang mga magulang. Kaya naman sa bawat kompetisyon na sinasalihan ni Jayson ay sinisiguro niya ang pagkapanalo.  Itong taon, napili si Jayson na pambato sa computer competition ng DepEd.

Sa loob ng tatlong taon, sunod-sunod ang tagumpay na naiuuwi ng mga estudyante sa South Central School. Ang mas nakakabilib, wala naming computer class ang eskwelahan nila. Bukod sa nasirang computer, pinagtiyatiyagaan din nila ang lumang laptop na nanakaw noong nakaraang taon. Malaking problema tuloy ni Jayson kung paano siya magpapraktis ngayong wala nang computer.