Krusada: Klasrum

Posted at 08/01/2012 11:14 PM | Updated as of 08/01/2012 11:16 PM

Mapa-siyudad man o probinsiya, malaki ang kasalatan ng ating mga paaralan pagdating sa mga silid aralan, upuan at mga aklat. Pinagsisiksikan ang mga bata sa maliit na espasyo ng mga klasrum. Nag-aagawan din sila sa paggamit ng mga libro.

Si Abner Mercado kasama si Angelo Valencia sa Mt. Pulag

Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III, ipinanagko niyang tutugunan ng kaniyang administrasyon ang malaking kakulangan sa sektor ng edukasyon.

“Bago matapos ang susunod na taon, ubos na ang minana nating 66,800 na kakulangan sa silid aralan. Uulitin ko po, next year pa po 'yan, 40,000 pa lang this year. Ang minana po nating 2,573,212 na backlog sa upuan ay tuluyan na din nating matutugunan bago matapos ang 2012. Sa taon din pong ito, masisimot na rin ang 61.7 million na backlog sa textbook upang maabot na sa wakas ang one-is-to-one ratio ng aklat sa mag-aaral,” sabi ni Aquino.

Ang pagpuno sa mga kakulangang ito ay isang napakalaking pangako. Paano nga ba ito matutugunan ng pamahalaan? Kakayanin ba ito ng Department of Education?

Para sa maraming pribadong indibidwal at mga grupo, kailangan ng tulong ng pamahalaan upang makamit ito. Ilan sa mga nagsusumikap upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga mag-aaral sina Angelo Valencia, isang abugado sa Maynila, ang “Alphabet Warriors” at ang “Ten Moves”.

“Naniniwala kasi ako sa sistema na if you want to make it happen, you don’t have to rely on the government,” sabi ni Angelo.

Sa bulubunduking lalawigan ng Benguet, sa bayan kung saan nananahanan ang pinakamataas na bundok sa Luzon, umusbong ang kanilang kuwento ng pag-asa.

Sa komunidad ng Mt. Pulag, higit sa kasalatan sa edukasyon ang pag-aasam na makapagkamit ng karunungan ng mga mag-aaral. Kalbaryo na ang malayong lakaran, masikip na mga silid at kulang-kulang na kagamitan.

 
Katulong ang kaniyang asawang si Angela at ilan pang mga kaibigan, nakalikom sina Angelo ng pondo para ipagpatayo ng karagdagang silid aralan ang Mt. Pulag Primary School.

Simula noon, naging krusada na nila ang makatulong sa pagtataguyod ng edukasyon para sa kabataan ng Mt. Pulag.

Sa pagsasakatuparan ng pangarap na makapag-aral iikot ang Krusadang ito na iuulat ni Abner Mercado.

“Patuloy na mangangarap ang bawat batang Pilipinong mag-aaral mula sa mga kalungsuran hanggang sa mga libilib na kanayunan sa pagkakamit ng edukasyon tungo sa magandang kinabukasan  na bayan ang makikinabang,” aniya.

Mapapanood ang Krusada: “Klasrum” sa Huwebes, ika-2 ng Agosto, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Agosto 4 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM TeleRadyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: August 2, 2012