Krusada: Ang tinaguriang 'Globe Asiatique Scam'

Posted at 08/08/2012 11:19 AM | Updated as of 08/08/2012 11:19 AM

Anong gagawin mo kung ang perang pinaghirapan mong ipunin para makabili ng sariling bahay ay delikadong mapunta lamang sa wala?

Susunod sa Krusada, bubusisiin ni Karen Davila ang tinaguriang “Globe Asiatique Scam” kung saan nakapangutang ng P7 bilyon mula sa PAG-IBIG ang kumpanya gamit ang mga umano’y “ghost borrowers”.

“Pangarap ng bawat pangkaraniwang Pilipino ang magkaroon ng sariling bahay at lupa, pero ano ang gagawin mo kung matuklasan mong ang hinuhulugan mong bahay at lupa o di kaya ang iyong binayaran ng buo ay hindi pala sa iyo nakatitulo?” tanong ni Karen.

Ito ngayon ang suliranin ni Evelyn Niebres, isa sa 6,000 na residente ng Xevera Mabalacat ng Globe Asiatique.

Dalawampung taong nangarap si Evelyn na magkaroon ng sariling bahay. Kaya naman nang makaipon ng malaki mula sa pagbebenta ng bangus at barbecue ng mahabang panahon, ipinambili niya ito ng dalawang magkatabing lote sa Xevera subdivision sa Pampanga.

Si Karen Davila, kasama si Evelyn Niebres

Ang kabuuang halaga nito: P1.5 million. Binayaran niya ito ng buo at “in cold cash”. Napakalaking halaga nito lalo na sa panahon ngayon. Kaya naman laking gulat na lamang ni Evelyn nang matuklasang hindi pala sa kanya nakapangalan ang titulo ng bahay na kanyang binayaran.

Paano nangyari ito?

Ayon sa PAG-IBIG, binenta ulit ng Globe Asiatique ang mga bahay at lupa sa mga direct o cash buyers kahit nakasangla na ang property sa kanila. Ito ang itinuturong dahilan kaya’t nagdoble-doble ang mga may-ari ng mga bahay sa Xevera subdivision.

Nangangamba ngayon ang mga residente sa mga bahay na naibente ng Globe Asiatique. Paano na ang perang hinulog nila, at saan ito napunta? Posible bang mawala sa kanila ang mga bahay na pinangarap nila?

Alamin ang buong istorya at pakinggan ang iba’t ibang panig ng mga nasasangkot sa isyu ng “Globe Asiatique Scam”sa Huwebes, ika-9 ng Agosto, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Agosto 11 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ang inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episode ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: August 9, 2012