Salamat Dok: Mga maling gawi na nakakasama sa kapwa

Posted at 09/14/2012 6:22 PM | Updated as of 09/25/2012 5:15 PM

Marami tayong mga gawi o habit na hindi lamang nakakasama sa ating kalusugan, kundi nagdadala rin ng panganib sa ating kapwa.

Sa panayam nina Bernadette Sembrano at Alvin Elchico sa kilalang Internist, Cardiologist at Health columnist na si Dr. Willie Ong, isa-isa nitong ipinaliwanag ang anim na pangunahing maling gawi na maaaring makasama sa kapwa.

BAD HABIT #1: Hindi naghuhugas ng kamay matapos gumamit ng banyo

Marami sa atin ang hindi naghuhugas ng kamay pagkatapos gumamit ng banyo. Tinuturuan tayong maghugas bago kumain, pero hindi masyadong itinuturo ang pagkatapos magbanyo.

Sa tala ng Department of Health (DOH), lima hanggang pito sa bawat 10 Pinoy ay hindi naghuhugas ng kamay matapos umihi. Tatlo hanggang lima naman sa bawat 10 Pinoy ang hindi naghuhugas matapos dumumi.

"Maraming tao, lalo na sa pampublikong banyo, may dinadalang sakit na di nila alam. Kapag dumumi, hindi naghugas ng kamay at humawak sa gripo o door knob, maiiwan doon ang bacteria. Tapos, may susunod na papasok, hahawak sa door knob, hahawak sa mukha, pwede na siyang mahawa ng sakit,” paliwanag ni Dr. Ong.

BAD HABIT #2. Pag-ubo nang hindi nagtatakip ng ilong at bibig

Ang walang pakundangang pag-ubo ay sanhi ng mabilis na pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng trangkaso, pulmonya, sipon at tuberculosis.

Mga dapat tandaan:

  • Gumamit ng tissue o panyo tuwing umuubo
  • Itapon agad sa basurahan ang inubuhang tissue
  • Kung walang tissue, imbes na takpan ng kamay ang bibig, gamitin ang manggas ng damit
  • Lumayo nang mahigit apat na pulgada sa kaharap
  • Kung hindi maiwasang umubo sa kamay, maghugas agad
  • Kung may sakit na nakakahawa, huwag nang lumabas ng kwarto o bahay
  • Huwag uubo nang pataas (upward), para maiwasang mai-spray ang mikrobyo sa hangin

Dagdag ni Dr. Ong, "Ang isa pa nating problema ay yung pagdura kung saan-saan. Kapag ang plema ay napunta sa kalye, habang basa pa yan, di pa nakakahawa. Kapag naarawan at natuyo, mag i-evaporate, doon lilipad ang mga virus na maaari nating malanghap."

BAD HABIT #3. Mali at hindi ligtas na preparasyon ng pagkain

Sa DOH survey noong 2007, isa lang sa apat na Pinoy ang naghuhugas bago maghanda ng pagkain. Ang maling paghawak, paghanda at pag-imbak ng pagkain ay maaaring pagmulan ng diarrhea, food poisoning at maging kamatayan.

Mga dapat tandaan:

  • Maghugas ng kamay bago at pagkatapos humawak ng pagkain
  • Ihiwalay ang luto at di-lutong pagkain, lalo na ang karne
  • Hugasan ang mga sangkalan at kagamitan sa pagluluto bago at pagkatapos gamitin
  • Bumili lamang ng ligtas na pagkain; Iwasan ang karneng "double dead," isda mula sa fishkill o kaya'y naapektuhan ng red tide
  • Lutuing mabuti ang inyong kakainin
  • Takpan ang pagkain upang hindi madapuan ng langaw, langgam at ipis
  • Huwag iwan sa mesa o paminggalan ang pagkain; ilagay agad sa loob ng refrigerator o sa isang ligtas na lugar
  • Lagyan ng label ang mga sangkap o ingredients
  • Huwag magluto kung may sugat o sakit sa balat
  • Ugaliing mag-sanitize: Ibabad sa kumukulong tubig ang inyong mga kagamitan sa kusina, at siguruhing hindi ito nalulusaw sa init. Basta kumukulo, halos lahat ng bacteria ay namamatay.

BAD HABIT #4. Unsafe sex practices

Sabi ni Dok, “Ang problema ngayon, mataas ang HIV rate sa Pilipinas. Dati, 25 cases lang a month ang nagpa-positive eh ngayon 250 a month na. High risk ang may maraming partner, may possible sexually transmitted disease at hindi nagpapa-check-up. Pwedeng makahawa ang mga ito. Ang HIV, you will have it for 10-20 years, you need P50,000 a month sa gamutan.”

Mga Paraan para Makaiwas sa HIV/AIDS:

A - Abstinence from sex (Huwag makipagtalik)
B - Be faithful to your partner (Maging tapat sa asawa o kinakasama)
C - Proper condom use (Tamang paggamit ng condom)
D - Don't share needles (Huwag ipahiram ang karayom o personal na gamit)

BAD HABIT #5. Walang pakundangang pagmamaneho

Sa Pilipinas, aksidente sa daan ang pang-apat na dahilan ng kamatayan. Ito ay dahil sa walang ingat na pagmamaneho; sobrang bilis na pagpapatakbo; pagmamaneho nang nakainom, inaantok at gumagamit ng cell phone; pangit na kondisyon ng daan; at sirang ilaw-trapiko.

"Mga 90% ng aksidente sa daan ay maiiwasan sa disiplina. Ang gobyerno ay dapat maghigpit sa pagpapatupad ng batas-trapiko. Dapat ding tiyaking maayos ang kondisyon ng mga lansangan,” mungkahi pa ni Dok.

BAD HABIT #6. Paninigarilyo sa harap ng ibang tao

Nakakabawas ng anim na taon sa buhay ang active smoking; dalawang taon naman ang passive smoking o ang paglanghap ng usok ng sigarilyo ng ibang tao. 

Ayon kay Dr. Ong, "For every hour na exposed ka sa passive smoking, para kang nag-smoke ng isang stick. Ang ethical way ay no smoking in public places. Sa mga nagtatanong tungkol sa kaligtasan ng e-cigarette, base sa mga pag aaral, hindi proven na pampahinto ito ng paninigarilyo. Mas inirerekomenda ang nicotine patches o gamot."

O ayan! Tandaang mabuti ang mga bilin ni Dok para maging ligtas sa sakit at mapangalagaan ang kalusugan ng ating kapwa. -- 6 Bad Habits That Can Harm Others, aired April 14, 2012