Krusada: My Teacher, My Hero

Posted at 09/20/2012 12:03 PM

Sa likod ng mga matagumpay na propesyonal ay mga butihing guro.

Noong Setyembre 5, sinimulang ipagdiwang ng bansa ang buwan ng mga guro. Kasabay nito, isang parangal ang inihandog ng Metrobank Foundation sa sampung natatanging guro sa buong Pilipinas, mula elementarya hanggang kolehiyo.

Hindi mapagkakailang marami ang kakulangang pinansyal ng pamahalaan pagdating sa edukasyon. Ngunit hindi ito nagiging hadlang upang buong puso nilang gampanan ang kanilang tungkulin.

Sa susunod na Krusada, kikilalanin ni Karen Davila ang ilan sa ating mga natatanging guro na pinangaralan ngayong taon.

“Kahit kulang sa sweldo, kulang sa benepisyo at kulang sa kagamitan, pursigido ang ating mga guro para gawin ang lahat, at maitaas ang antas ng edukasyon sa Pilipinas,” pahayag ni Karen.

Si Rizal Vidallo ng Imus, Cavite ang isa sa sampung naparangalan ng Metrobank Foundation. Labing-isang taon na siyang nagtuturo. Noong 2010, mayroon siyang inimbentong module sa pagtuturo na nakapagpataas ng science performance ng mga magaaral sa National Achievement Test ng kanilang paaralan.

Saludo naman sa katalinuhan at kabaitan ni Roberto Santos Jr. ang kanyang mga kapwa guro sa Capas, Tarlac. Siya ang pinakabatang awardee sa edad na 33 anyos.

Ipinagmamalaki naman ng Marikina si Galcoso Alburo, isang Filipino teacher na may-akda ng licensure exam for teachers para sa mga Filipino major. Bukod sa pagiging guro, itinuturing din siyang bayani noong Ondoy.

Sa pagtaas ng budget ng DepEd sa susunod na taon, ano na ang kanilang plano para sa mahigit kalahating milyong mga guro sa bansa? Mapagbigyan na kaya ang hospitalization at retirement benefits ng ating mga minamahal na guro?

Mapapanood ang Krusada: “My Teacher, My Hero”, ulat ni Karen Davila sa ika-20 ng Setyembre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Setyembre 22 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Airing date: September 20, 2012