Kesz: Batang Patroller ng pagbabago

Posted at 09/24/2012 2:07 PM | Updated as of 09/24/2012 2:07 PM

Marami sa kabataan ngayon ang nahihilig sa barkada o nauubos ang oras sa paglalaro. Kaya naman bumilib ang lahat sa kwento ni Kesz at sa kanyang sinimulang pagbabago.

Sa edad na 13 ay marami nang natulungan si Kesz. Binuo niya ang grupong “C3” o “Championing Community Children” kung saan ang mga miyembro ay mga bata rin. At bilang isang pinuno, buo ang determinasyon ni Kesz na makatulong sa mga kapwa niya bata.

Tuwing Sabado, pumupunta si Kesz at ang kanyang mga kasamahan sa isang komunidad sa Cavite para magsagawa ng “Outreach Program”. Itinuturo nila ang kahalagahan ng nutrisyon, kalinisan sa katawan at karapatan ng bawat bata. Mula apat na taong gulang at pataas ang kanilang tinuturuan.

Naging inspirasyon ni Kesz ang kanyang pinagmulan. Minsan na siyang nagpakalat-kalat sa kalye at nangalakal ng basura. Isang beses ay naaksidente siya at nasunog ang braso. Sa mga panahong iyon, nanalig sa Diyos si Kesz na balang araw ay mababago rin ang kanyang buhay.

Sa tulong ng grupong “Club 8586” ay nabago ang kapalaran ni Kesz. Matapos niyang matulungan, siya naman ngayon ang tumutulong. Pursigido si Kesz na maibahagi ang pag-asa at pagbabago sa ibang bata.

Dahil sa adbokasiya ni Kesz ay nanalo siya sa “International Children’s Peace Prize” na katumbas ng “Nobel Peace Prize”. Naganap ang awarding nito lamang ika-19 ng Setyembre sa The Netherlands. Ang kanyang napanalunan ay mapupunta sa mga proyekto ng kanilang grupo.

Pinatunayan ni Kesz na hindi basehan ang edad para magbigay inspirasyon sa iba. Ipinakita rin niya kung paano bumangon sa isang trahedya. Pangako ni Kesz, patuloy siyang tutulong at ipagpapatuloy ang kanyang sinimulang pagbabago.