Krusada: EPAL

Posted at 10/04/2012 12:42 PM | Updated as of 10/10/2012 2:26 PM

Ngayong linggo, makikilala na ng publiko ang mga pulitikong tatakbo para sa halalan sa susunod na taon. Sa pagsusumite ng kanilang certificate of candidacy, pormal nang inihahayag ng mga kakandidato ang kanilang intensyong magsilbi sa bayan para sa susunod na termino.

Si Comelec Chairman Sixto Brillantes kasama sina Mae Paner aka Juana Change at Carlos Celdran ng Anti-Epal Movement sa isang dayalogo para sa pagtutulungan ng dalawang kampo kontra-epal.

Pebrero 2013 pa ang simula ng kampanya. Subalit ayon sa mga kasapi ng mga grupong "anti-epal", matagal na umanong nagpapalakas at nanliligaw ang ilang mga pulitiko sa kanilang mga botante.

Epal. ‘Yan ang bansag nila sa mga pulitikong nagtatadtad ng kanilang mga pangalan at mukha sa mga tarpaulin, pabati, inprastraktura at iba pang pampublikong lugar para manatili sa kamalayan ng taumbayan.

Ngayong Huwebes, sa kwentong Krusada na ni Abner Mercado, susundan niya si Mae Paner, ang mukha ng Anti-Epal Movement, at ang kanyang alter ego na si Congresswoman Juana Change. Lilibutin nila ang ilang bahagi ng Metro Manila upang tukuyin ang umano'y mga "epalitiko".

Ayon kay Paner, hindi raw sila titigil ng kaniyang 10 kasamahan sa Anti-Epal Movement at kanilang mga taga-suporta na pangalanan ang mga pulitikong sa tingin nila’y nangangampanya nang wala sa tamang oras.

Mula sa lansangan, susuyurin rin ni Abner ang libo-libong mga posts at comments sa Facebook at Twitter upang pulsuhan ang saloobin ng sambayanan sa isyung ito.

“Bato-bato po sa langit, ang tamaan, huwag magagalit,” babala ni Abner sa mga “pulitikong sanrekwa ang tarpaulin, mga epal kung tawagin.”

Sinu-sinong mga pulitiko kaya ang tatanggi sa bansag na "epal"? Meron nga kayang pulitikong aamin sa pagiging isang "epalitiko"? Samahan si Abner sa pagkilala sa mga kandidatong magpapakitang gilas para sa iyong boto.

Mapapanood ang Krusada: “Epal”, ulat ni Abner P. Mercado sa ika-apat ng Oktubre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa ika-anim ng Oktubre (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinyon sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

To be aired on October 4, 2012