Krusada: Tulay

Posted at 10/10/2012 1:00 PM | Updated as of 10/10/2012 5:05 PM

Ang tulay ang isa sa pinakamahalagang imprastraktura ng kaunlaran. Hindi biro ang halaga ng inilalaang pondo at pag-aaral para sa pagpapatayo nito.

Sa panahon ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, sa pamamagitan ng kanyang “Tulay ng Pangulo” project, maraming tulay na bakal ang ipinagawa. Ang problema, itinayo diumano ang mga ito hindi para magamit ng mga tao, kundi para pagkakitaan.

Ayon kay Senador Sergio Osmeña III, isa sa mga kumi-kwestyon sa nangangamoy anomalyang proyekto, mahigit isang libong mga tulay na nagkakahalaga ng P110 bilyon ang ngayo’y nakatiwangwang at walang saysay.

Mayroon ding report ang Sinag ng Bayan Foundation ukol sa iba’t ibang tulay ng korupsyon noon pang 2005. Ayon sa pag-aaral na ito, maraming mga tulay ang hindi napapakinabangan sa kabila ng milyun-milyong gastos sa mga ito. Ganito pa rin kaya ang sitwasyon sa kasalukuyan?

Samahan si Henry Omaga-Diaz na ikutin at imbestigahan ang mga tulay sa Tarlac, Pangasinan, Agusan del Sur, Misamis Oriental at Ilocos Norte. Ano nga ba ang naging silbi ng mga tulay dito? Ano ang ikinukunekta ng mga ito? Gaano karami ang nakikinabang?

Ang “tuwid na daan” ang sinasabing direksyong tinatahak ng pamahalaan ngayon sa ilalim ni Pangulong Benigno Aquino III. Ang daang matuwid sana ang magsisilbing tulay sa mas malinis at mas matapat na mga tao sa gobyerno. Pero kaya pa bang ituwid ni PNoy ang mga sinasabing ma-anomalyang tulay ng korupsyon sa oras na mapatunayan ito?

Sa ilalim ng administrasyong Aquino, magagawaran ba ng kaparusahan ang mga sangkot sa proyektong ito? Sinu-sino nga ba ang dapat managot dito?

Paano naman ang mga lugar na lubos na nangangailangan ng tulay pero patuloy pa ring pinagkakaitan?

Alamin ang mga kasagutan sa Krusada: “Tulay”, ulat ni Henry Omaga-Diaz sa ika-11 ng Oktubre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Oktubre 13 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinion sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV.

Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: October 11, 2012