Ako ang Simula: Taong grasa't may ketong, Kapamilya rin

Posted at 10/11/2012 11:27 AM | Updated as of 10/12/2012 8:33 PM

Sa hirap ng buhay ngayon, doble kayod ang karamihan sa atin para matustusan ang pangangailangan ng pamilya. Pero meron pa ring mga tao na nagagawa pang tumulong sa hindi naman nila kadugo.

Isa na rito si Joel Montana, na mas kilala sa tawag na "Boss Dong". Siya ay bayaning maituturing sa kanilang barangay. Bukod sa pagiging masipag na Padre de Pamilya, tagapagligtas din siya ng mga taong nagkalat sa kalsada.

Taong grasa, may ketong at anak ng isang may tubercolosis ang ilan lang sa mga natulungan ni Boss Dong.

Ang mas nakakabilib pa sa kanya ay hindi naman siya nakakaangat sa buhay, pero bukas ang kanyang tahanan sa sinumang nangangailangan. Ang maliit niyang kita sa talyer ay hinahati niyang pang-tustos sa pamilya at sa mga itinuturing niyang bagong kapamilya.

Minsang namataan ni Boss Dong ang taong grasa na palakad-lakad sa kalye. Kinakatakutan man ng marami ay agad niya itong pinaliguan at binigyan ng maayos na damit.

Si Doroy, isang may ketong, ay binigyan naman niya ng trabaho. Pinapasada ni Boss Dong ang kanyang pedicab kay Doroy. Lubos ang pasasalamat ni Doroy kay Boss Dong dahil noon ay hindi siya makakuha ng trabaho dahil sa sakit. Dagdag pa ni Doroy, parang isang tunay na Kapamilya ang turing sa kanya ni Boss Dong at ni minsan ay hindi humingi ng kapalit.

Tinulungan din ni Boss Dong si Toto, anak ng isang may tuberculosis. Mismong kamag-anak ni Toto ay nilalayuan silang mag-ama dahil sa takot na baka mahawa sila. Pero si Boss Dong, ginawan pa sila ng silong para kahit papaano ay matulungan sila. Nang mamatay ang tatay, si Boss Dong na ang tumayong ama kay Toto.

Isa lang ang dahilan kung bakit bukas-palad si Boss Dong sa kapwa. Nakikita niya ang namatay na anak sa bawat taong tinutulungan niya.

Imbes na mawalan ng pag-asa ay pinilit niyang mabuhay para sa iba. Para kay Boss Dong, maaaring makatulong kahit sa simpleng paraan. At kahit isa lang siyang simpleng tao ay nakagawa siya ng pagbabago sa buhay ng iba.