Salamat Dok: Teenage Depression

Posted at 10/12/2012 8:33 PM | Updated as of 10/17/2012 5:50 PM

Masarap at masaya ang buhay teenager! Kung maraming naaaliw, mayroon din namang nalulungkot dahil mayroon silang pinagdadaanang hindi nila kontrolado--ang depresyon.

Ang depresyon ay isang karaniwang sakit sa pag-iisip kung saan nakakaramdam ang isang tao ng labis na kalungkutan. Ito ay namamana o kaya’y sanhi ng mga pagbabago sa utak at hormones, problema sa neurotransmitters (mga kemikal na naghahatid ng signal mula sa katawan papunta sa utak), mga pangyayari sa buhay, stress, at trauma. Ito’y maaaring pangmatagalan o pabalik-balik.

“Talagang dumadaan sa depresyon ang bawat kabataan lalo't nasa edad sila na hindi na bata, pero hindi pa rin matanda. Ito ang puntong naghahahanap siya ng kalayaan. You have to respect also na ang teenager would want privacy,” paliwanag ni Dr. Genuina Ranoy, Child and Adult Psychiatrist sa The Medical City.

Sa huling tala ng World Health Organization, umaabot na sa 350 milyong tao na may iba’t ibang edad ang naapektuhan ng depresyon. Bagama’t may mga gamot dito, kakarampot lamang ang nalulunasan. Ang isa pang nakakalungkot na katotohanan: isa lamang sa bawat limang teenager na dumaranas ng depresyon ang natutulungan.

Hindi kagaya ng matatanda, karaniwa’y umaasa pa rin ang mga kabataan na mapapansin ng kanilang mga magulang o ng iba pang nakatatanda ang kanilang nararamdaman.

Ayon sa mga eksperto, mahalagang malaman ng magulang ang mga palatandaan ng sakit na ito. Kapag hindi agad natulungan ang bata at hindi naiwasan ang masasamang dulot nito, maaari itong mauwi sa pagpapakamatay.

Palatandaan at Sintomas ng Teenage Depression

  • Kalungkutan at kawalan ng pag-asa
  • Walang interes sa mga gawaing bahay at eskwelahan
  • Iritable at magagalitin
  • Madalas na pag-iyak nang walang dahilan
  • Lumalayo ang loob sa pamilya at kaibigan
  • Pagbabago ng gawi sa pagkain at pagtulog
  • Hirap sa konsentrasyon
  • Mababa ang tingin sa sarili
  • Pagod at kulang sa sigla
  • Sumasagi sa isip ang pagpapakamatay

“Kung malala ang nakikitang sintomas, huwag balewalain! It's a must to seek professional help. May mga anti-depressant na nakakaganda o nakakawala ng physical symptom ng depression. Meron ding psychotherapy, dito pinag-uusapan kung ano ang problema. Habang ginagamot ang bata, kasama ang family. Dahil sila ang kasama sa bahay, sila ang makakatulong o makakapag-monitor sa bata,” paalala ni Dr. Ranoy.

Dagdag pa ni Dok, sa mga magulang o tagapag-alaga, mahalagang suriin kung gaano na katagal lumabas ang mga sintomas na ito, kung gaano na ito kalala at kung malaki na ang ipinagbago ng ikinikilos ng kanilang mga anak sa normal.

Tagubilin sa mga Magulang

  • Maging bukas sa magandang pakikipag-usap sa anak
  • Maging mahinahon sa pakikinig sa kanilang problema
  • Iwasang sumigaw o manumbat
  • Tanggapin ang inyong anak bilang sila
  • Iparamdam na may karamay sila at may maaaring sandalan
  • Ipakita sa anak ang pag-aaruga
  • Ibalanse ang mga panuntunan sa bahay

Kung ang magulang naman ang isa sa stressors sa pinagdaraanan ng anak, kailangang maging bukas sila na sumailalim din sa psychotherapy para mas alam nila ang gagawing solusyon sa depresyon ng anak.

Hindi biro ang teenage depression ngunit sa husto at tamang gabay ng magulang, katulong ang payo ng eksperto, maaari itong mapagtagumpayan at maiwasan. — with a report from Obette Serrano, Illustration: James Bryan Vapor, Multimedia Producer: Yam dela Cruz, Segment: Payo ni Dok, aired May 2012