Krusada: Nutrisyon at edukasyon

Posted at 10/17/2012 5:48 PM

Mahirap para sa isang estudyante na pumasok sa eskwela na kumakalam ang sikmura.

Ang 14 na taong gulang na si Arnel Tamayo, nagtitiis nang pumasok na walang kinakaing almusal simula pa noong siya’y Grade 1. Kadalasan tuloy ay inaantok siya at walang gana sa klase.

First year high school na ngayon si Arnel sa Baesa High School sa Caloocan City.

Karen Davila kasama si Arnel, undernourished na first year high school student

Tulad ni Arnel, mababa rin ang timbang ng mga kapwa niya first year students na sina Lenyvie, Jaymar at Rommel. Nasa 18-25 kilo lamang ang timbang ng tatlong bata, di hamak na mas maliliit kumpara sa kanilang mga kaklase. Dahil sa pagiging undernourished, hirap silang maging aktibo sa klase.

Sa tala ng Department of Education (DepEd), nasa 2 milyong estudyante mula sa buong bansa ang kulang sa timbang. Malaki diumano ang epekto nito sa academic performance ng mga estudyante. Kaya’t hindi na rin nakapagtataka kung bakit pang-pito lang ang Pilipinas pagdating sa edukasyon kumpara sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya.

Sa susunod na episode ng Krusada, sisikapin ni Karen Davila na mabigyang-pansin ng mga paaralan at ng mga magulang ang kahalagahan ng tamang nutrisyon lalo na para sa mga batang magaaral.

Ipapakita niya na maraming mga masusustansyang pagkain na abot-kaya ng bulsa. Ang kinakailangan lamang ay malaman kung ano ang tamang pagkain at paano ito lulutuin sa paraan na magugustuhan ng mga bata.

Ang Krusada ni Karen ay siya rin ang gusto ng Unang Hakbang Foundation, isang non-government organization na tumutulong sa mga bata sa mahihirap na komunidad. Sa kanilang center sa Mandaluyong City, 60 bata na nasa Grade 2 ang kanilang tinutulungan. Araw-araw, may tutorial at feeding session sila.

Ang pagkain ay hindi lamang para sa tiyan kundi para sa utak din. Kailangang magkaroon ng tamang nutrisyon ang mga estudyanteng Pilipino kung nais natin ng isang matalino at listong bagong henerasyon.

Feeding program sa isang public elementary school

Mapapanood ang Krusada: “Nutrisyon at Edukasyon”, ulat ni Karen Davila sa ika-18 ng Oktubre, 9:15 ng gabi sa DZMM TeleRadyo (Sky Cable Channel 26) at pagkatapos ng Bandila sa Channel 2. Mapapanood naman ang replay nito sa Oktubre 20 (Sabado), 1:30 ng hapon sa ANC.

Madali ninyong maibabahagi ng inyong mga opinyon sa aming Facebook at Twitter accounts! Magpunta lamang sa http://facebook.com/Krusada at http://twitter.com/krusadaTV. Ipinapalabas ang inyong mga kumento sa telebisyon tuwing Krusada sa DZMM Teleradyo.

Para naman mapanood ang nakaraang tatlong episodes ng Krusada, bisitahin lamang ang aming official website: http://abs-cbnnews.com/krusada.

Air date: October 18, 2012