Sampung Piso Para sa Pagbabago

Posted at 10/20/2012 7:08 PM | Updated as of 10/20/2012 7:09 PM

Ano ang halaga ng P10 sa mga Pilipino? Maliit lang kung tutuusin, pero malaki na ang magagawa nito para sa pagbabago.

Isa sa mga problemang maaari nitong masolusyunan ay ang problema sa edukasyon. Ayon sa Department of Education (DepEd), nasa 66,800 ang kulang na silid-aralan sa Pilipinas para makuha ang target ratio na 40 estudyante kada guro. Mas matututukan sana ang bawat estudyante kung hindi sila nagsisiksikan sa iisang classroom.

Ten Moves

Ang P10, kayang makapagpatayo ng mga silid-aralan sa pampublikong paaralan. Ito ang layunin ng kampanyang “Ten Peso Movement”. Sinimulan ito noong 2011 ng “57-75 Education Reform Movement”. Ang bawat sasali sa proyekto ay inaasahang magbibigay ng P10 kada araw sa loob ng 10 buwan o katumbas ng P3,000 kada tao. Sa ganitong paraan, makakapagpatayo na ng 10,000 silid-aralan.

Marami ang sumali, kabilang ang mga pribadong kompanya at iba’t-ibang unibersidad. Sa ngayon, may 2,741 na ang naipangakong mga silid-aralan, kung saan 880 ang naipatayo na. Patuloy parin ang pangangalap ng pondo para makumpleto na ang mga kailangang silid-aralan.

Bilib ang Ako ang Simula sa layunin at determinasyon ng Ten Peso Movement. Kaya naman pati sila ay nakiisa sa pagbabago.

Kapamilya, malayo ang mararating ng P10 mo! Sumali na sa Ten Peso Movement! Para sa iba pang detalye, magpunta sa http://www.facebook.com/ten.moves.

Air date: October 17, 2012