Salamat Dok: Illnesses of the elderly

Posted at 10/26/2012 5:16 PM | Updated as of 10/31/2012 5:05 PM

Ang kadalasang tanong ng mga bata: Bakit kaya makulit, sakitin, tampuhin at maraming idinadaing ang mga matatanda?

Ayon sa mga eksperto, ang mga nararamdaman ng mga edad 60 pataas ay dala ng tinatawag na “wear and tear” o ang normal na paghina ng katawan ng tao habang nagkakaedad.

Sa panayam ng ating hosts na sina Bernadette Sembrano at Alvin Elchico kay Dr. Diane Solis-Ringor, Active Consultant ng Geriatric Multi-Disciplinary Clinic sa Manila Doctors Hospital, ilan sa mga kondisyon o sakit ng mga senior citizen ay:

  • Hirap gumalaw (mobility problems)
  • Problema sa paningin (cataracts, glaucoma, macular degeneration)
  • Pagbaba ng timbang
  • Pag-iiba ng ugali
  • Dipirensya sa pandinig
  • Depresyon

Iba pang sakit ng mga matatanda:

  • Kondisyon sa puso tulad ng hypertension, vascular disease, congestive heart failure at coronary artery disease
  • Kawalan ng pagpipigil sa pag-ihi o incontinence
  • Problema sa paghinga
  • Pagrupok ng buto
  • Demensya o pagiging makakalimutin
  • Rayuma
  • Kanser

Sa mga pagbabagong nagaganap sa katawan ng mga lolo't lola, dapat maging alerto ang kanilang pamilya sa mga ito:

  • Mabagal na reaksyon lalo na sa pagmamaneho
  • Manipis na balat, na dahilan para bumagal ang paggaling ng sugat
  • Mahinang resistensya para labanan ang mga mikrobyo
  • Mahinang panlasa at pang-amoy na nagreresulta sa kawalan ng gana sa pagkain at paghina ng suplay ng tubig sa katawan
  • Mga kalimitang tanong kay Dok

Sa haba ng panayam ng ating hosts kay Dr. Ringor, nagkulang sa oras para sagutin ang maraming tanong mula sa ating Facebook community. Ipinadala natin ito kay Dok at narito ang kanyang mga sagot:

Q - Paolo Delos Angeles: Bakit halos lahat ng lolo't lola makukulit at minsan masungit? Pag nag-utos sila, dapat gawin agad. Ang kuleet! Tapos pag hindi agad nagawa, magtatampo, magiging emo.

A - Dr. Ringor: Kailangang alamin ang personalidad ni lola noong bata pa. Baka sya yung Type A personality kaya gusto nya ay nasa ayos lahat ng mga bagay at trabaho. Mainipin din sila at may personalidad na lalong na-enhance nang magkaedad. Sensitive sila lalo na kung tingin nila ay wala na silang silbi sa inyong pamilya.

Q - Rea Villanueva Enriquez: Bakit may ilan na kung kelan tumanda hindi lalo maintindihan. Ang gusto, sya ang palaging tama, mahirap tumanggap ng pagkakamali? Mas gugustuhin pang magpaawa sa ibang tao.

A - Dr. Ringor: Again, personalidad pa rin nila yun noong bata pa sila o dahil sa mga napagdaanang karanasan. Minsan, kailangang tingnan ang pinag-ugatan ng problema.

Q - Kriesha Ann Combite: Bakit ang mga lolo't lola ay ulyanin? 'Yung lola ko pinaghugas ako ng favorite glass nya. Madumi pa raw kahit na malinis naman. Lahat na lang ng mga bagay pinaulit-ulit nya, tsaka napakaistrikta.

A - Dr. Ringor: Maaaring character ng isang nag-uulyanin ang paulit ulit. Obsessive-compulsive personality naman ang iba na istrikta at kailangan ay yung gusto o paraan nila ang masunod. Kailangang masuri kung ito ay di na pangkaraniwan sa kanya.

Q - Kim Casing Arbiol: Pag matanda ba Dok kailangan ba niyang mangialam sa buhay ng anak nya kahit may asawa na ito? Bakit kaya sila naninira?

A - Dr. Ringor: Tingnan ang pinag-ugatan ng lahat. Ang ugali natin ay dala-dala natin sa pagtanda. Ang naranasang life events ng isang tao ay maaaring makapagbago o makapagpabuti.

Q - Fatimah Batara: Anong age nagbabago ang ugali ng tao?

A - Dr. Ringor: Walang edad na masasabi kung kailan ito nagbabago. Kung susundan ang Freudian Theory, maraming stage na dadaanan ang isang individual. Sa bawat panahon na ito, ay may dumarating ding life events – masakit, malungkot, mahirap. Nagkakaroon ng pagbabago at maaaring maging sanhi ng learned behavior or attitude ng isang tao.

Q - Shine Lotino: Bakit kung kelan naging senior citizen ang Nanay ko saka nagdalaga at nag-boyfriend? Anong dapat gawin? Daig pa ang 16 years old.

A - Dr. Ringor:
Dapat tingnan ng pamilya ang needs ng isang nakatatandang babae o lalaki. Atensyon lang ba? O dahil gusto din nya ng kasama sa buhay? Alamin mismo sa kanila. Good communication in the family will definitely give us full understanding of these changes.

Q - Nhick Mababa Quimzon: Yung lola ko kasi nagkaroon ng psoriasis at age 80. May kinalaman ba 'yun sa mga gamot n'yang iniinom? Anong dapat gawin 'pag may psoriasis? Paano maiiwasan?

A - Dr. Ringor: Psoriasis and other skin problems in older people need evaluation. Age-related changes in the skin (dryness or loss of fat tissue due to medication or a condition) may aggravate skin lesions.

Q - Bingz Julzen Roldan: Yung sakit bang Alzheimer’s namamana o sakit ng matanda talaga? Paano ito maiiwasan? Kasi yung Mama ko ganun. Dumaan din sya sa stroke kaya siguro naka-contribute sa kanya at age 63.

A - Dr. Ringor: Maraming dahilan ang pagiging makakalimutin (dementia). Isa na rito ang Alzheimer’s na ang isang risk ay related sa genes, namamana. Ang isa naman ay vascular dementia na due to multiple stroke sa brain. Mabuting ma-evaluate ang memory nya, malaman nang maaga ang diagnosis, intervention at prognosis para mapaghandaan ng pamilya.

Q - Jesusa David-Castro: Usually, ano bang age ang nag-uulyanin na?

A - Dr. Ringor: Kung Alzheimer’s disease, maaaring bago mag-senior. Ngunit may naitala na sa journals na minsan nangyayari ito sa mas bata (latest kong alam 18 years old). Sa iba naman, may edad na, ang lalong mataas na porsyento ay edad 80 pataas.

Q - Aria Dumalag: If mayroong leukemia ang lola, anong dapat kainin?

A - Dr. Ringor: Mga pagkaing high in antioxidants, Vitamin B12, Vitamin C at Zinc. Makakatulong iyan sa kanilang immune system dahil karaniwang problema nila ay infection.

Q - Beverly Gail Fernandez: Ang pagkakaroon ba ng scoliosis ay sign ng pagtanda?

A - Dr. Ringor: Kahit sa mga bata ay meron nito. Ang mga deformity na maaaring makita sa buto ay pwedeng dahil sa wrong posture, trauma o osteoporosis.

Q - Krestyl Ciera Dibdib Algones: Bakit ang lolo namin kahit may pera ang damot-damot, pero sa ibang tao mapagbigay naman?

A - Dr. Ringor: Tingnan ang ugali nya, experience o life events noon para maunawaan sya. I-check din kung ang ibang attitude na ito ay related sa pag-uulyanin.

Q - Avelina Masbang: Ang Nanay ko nag-ulyanin bago pumanaw. 57 years old na ako. Ang pagiging ulyanin ba ay namamana? Madalas sumasakit ang mga kamay ko sa umaga, hindi maisara at minsan namamanhid. May iniinom naman akong gamot.

A - Dr. Ringor: Namamana ang Alzheimer’s disease. Morning stiffness naman ang unang symptom ng arthritis at 'pag naigalaw na sa umaga, maaaring wala nang sakit. Ang pagmamanhid ay maaaring work-related. Kung sobrang kirot, dapat isangguni sa doktor.

Q - Gelfredo Santiago Reyes: Kailan ba nagsisimulang mag-manifest ang mga karaniwang sakit ng elderly, Doc? Eto ba'y pag nagretiro sa trabaho?

A - Dr. Ringor: Ang pagreretiro ay isang common na dahilan ng deconditioning ng katawan dahil huminto na sa dating araw-araw na paglalakad o paggawa. Dito maaring lumabas ang lifestyle-related diseases – obesity, diabetes, hypertension. Ang advice namin, dapat may regular pa ring exercise ng katawan at isipan. Bago mag-retire, magplano nang maaari pang pagkakitaan, ituloy ang pag-aaral ng iba pang short courses at mag-exercise.

Q - Nica Birondo: Totoo bang pag inabuso ang katawasan sa pagtatrabaho, pagdating ng panahon o pag tumanda na ako marami akong mararamdamang sakit sa katawan?

A - Dr. Ringor: Overuse dahil sa Wear and Tear theory. Lahat ng ating sistema ay tatanda rin depende sa ating lifestyle choices.

Q - Ako Bodoy: Ano ang mainam na pagkain at bitamina para sa matatanda?

A - Dr. Ringor: Complete variety of food – carbohydrates, protein, fruits and vegetables. Vitamin A, C, E, Zinc, B12 at antioxidants

Q - Cristy de Guzman Soriano: Normal lang ba sa tumatanda ang laging moody at matampuhin?

A - Dr. Ringor: Kailangan nating malaman ang needs nila upang maintidihan ang kanilang moods. Mag-communicate tayo sa kanila lagi at bigyan sila ng respeto at pagpapahalaga. Alamin ang ugat ng pagtatampo at ipasuri kung sa tingin ito ay depression.

Sa isang komento naman ng isang miyembro ng ating Facebook community, ang sabi ni Bing Marsona, ”Dapat ibigay ang best sa mga matatanda. Bigyan ng sapat na attention at ipadama natin ang pagmamahal, pagpapahalaga, pag-aaruga at pang-unawa sa kanilang kalagayan.”

Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Ringor at sinabing, ”Very well said! Itaguyod po natin ang complete implementation ng Senior Citizen Act hindi lang sa 20% discount. Marami pang kasamang mga benepisyo ang nasasaad dito, tulad ng mga facility para sa kanila, senior centers, long term care facilities, etc.”

Sa kabilang banda, isinasaalang-alang din ng mga eksperto ang dinaranas na burnout ng mga nag-aalaga sa matatanda. Ipinapayong sumangguni rin sila sa eksperto para maibsan ang dinadala at malaman ang mga dapat gawin. – Elderly Filipino Week episode, aired September 30, 2012

Sundan ang Health Show ng Bayan sa http://twitter.com/salamatdok. Manood ng latest episodes at magbasa ng health articles sa http://abs-cbnnews.com/salamatdok. Silipin ang ilan sa nakaraang segment sa pagluluto at ehersisyo sa http://youtube.com/user/SalamatDok5