Sergio Salazar: Bayani ng riles

Posted at 10/31/2012 5:04 PM | Updated as of 10/31/2012 5:09 PM

Isang mabuting ama, mabait na kaibigan at matulungin na kapitbahay. Ganyan ang paglalarawan kay Mang Sergio ng mga taong nakakilala sa kanya. Kaya naman lubos ang kanilang paghihinagpis sa sinapit ng pedicab driver na mag-isang nagsikap para itaguyod ang pamilya.

Iniligtas ni Sergio sa kapamahakan ang dalawang magkapatid na tumatawid sa riles. Muntik na silang masagasaan ng tren, pero agad silang sinita ni Mang Segio. Sa kanyang pagkatakbo, hindi niya napansin na may isa pa palang tren sa likuran niya. Nakaligtas ang magkapatid, pero si Mang Sergio naman ang binawian ng buhay.


Nang makita ng panganay niyang si CJ ang ama, wala na itong buhay. Dagdag pa niya, nakakalat sa riles ang spaghetti na binili ng kanilang tatay para sana sa almusal.

Masakit para kay CJ at sa apat pa niyang kapatid ang pagkamatay ng kanilang padre de pamilya. Matagal na silang iniwan ng kanilang ina at wala silang ibang inaasahan kundi ang ama.

Dahil lugmok sa hirap, isa lang sa kanila ang nakakapag-aral. Sa edad na 20 anyos ay alam ni CJ na kailangan na niyang simulang kumilos para sa mga kapatid.

Problema nila ang pagpapalibing ng ama. Kahit sa huling hantungan ay gusto nilang iparamdam ang pagmamahal sa kanilang tatay sa pamamagitan ng isang maayos na libing.

Dahil sa kabaitan ni Mang Sergio, hindi magawa ng kanyang mga kakilala na pabayaan ang kanyang pamilya. Nakipag-ugnayan rin ang Ako ang Simula sa mga opisyal sa barangay ni Mang Sergio ukol sa kanyang pagpapalibing. Nakakuha ng discount sa pagpapalibing kay Mang Sergio at naging malaking tulong na ito sa kanyang mga naulilang anak.

Malungkot ang maagang pagkawala ni Mang Sergio. Pero dahil sa kanyang sakripisyo, hindi lang nailigtas ang dalawang buhay, kundi nabigyan rin niya ng inspirasyon ang marami pang ibang tao.

Aired on: October 31, 2012