Ako ang Simula: Patroller ng Pagbabago

Posted at 11/08/2012 7:22 PM | Updated as of 11/21/2012 8:47 PM

Ang bawat isa sa atin ay may gustong pagbabago na gawin para sa sarili, pero iilan lang ang may pangarap na makapagsimula ng pagbabago para sa iba.

Iyan ang prinsipyong pinanghahawakan ng ating mga Patroller ng Pagbabago; ang mabuhay para sa ikabubuti ng kapwa.

Si Teacher Dinahbelle ng Brgy. Macatad, Siniloan, Laguna ang unang Patroller ng Pagbabago. Sinimulan niya ang isang malawakang bayanihan para mapagawa ang nasalantang silid-aklatan ng kanilang paaralan.

Pagmamahal rin sa mga estudyante ang nagtulak kay Kagawad Albert para gawan ng paraan ang pagpapaayos ng Gabaldon School sa Brgy. Bilad, Camuiling, Tarlac.

Sa tulong ng mga sundalo at ng Sagip Kapamilya, napaayos ang mga sira-sirang silid-aralan.

Bangkarunungan Project naman ang nagbigay daan kay Adrian Cobardo para ipakita ang pagpapahalaga sa edukasyon. Dahil sa Happy Tiangge ng Ako ang Simula, nakalikom ng sapat na perang  pambili ng bangka na magsisilbing silid-aralan ng mga kabataan.

Teacher Dinahbelle ng Brgy. Macatad, Siniloan, Laguna

Isang batang Patroller ng Pagbabago ang pinangaralan ng International Children’s Peace Prize 2012. Naging adbokasiya na ni Kesz ang tumulong sa mga kapwa niya bata. Gamit ang musika at pagtuturo ng tamang asal, nagsilbing instrumento ang grupong “Baluti” para sa pagbabago ng mga kabataang naligaw ng landas.

May mga artista rin na naging Patroller ng Pagbabago. Si Diether Ocampo, na nagtayo pa ng sariling organisasyon para sa mga bata, ay dumayo sa Abra para makatulong.

Suportado naman ni Gerald Anderson ang mga “special children” ng Cottolengo Filipino.

At sa pagsama ni Toni Gonzaga sa malawakang river clean-up, marami ang nahikayat na magmalasakit para sa kalikasan.

Maraming paraan para maging isang Patroller. At sa bawat kwento na ibinahagi ng Ako ang Simula, hangad namin na dumami pa ang mga Patroller na magsisimula ng pagbabago sa kapwa.

Aired on November 7