Salamat Dok: How to seek assistance from PCSO

Posted at 11/21/2012 8:45 PM | Updated as of 11/24/2012 2:29 AM

Mayroong maysakit sa pamilya, wala kang pera, litong-lito at umiiyak ka na sa kawalan ng pag-asa. Magbigay man ang kamag-anak at kaibigan, kulang pa rin. Ayaw mo namang mangutang kasi may utang ka pang binabayaran.

Karaniwan ang ganitong sitwasyon dito sa bansa. Ang nakakalungkot, tinatanggap na lang ng iba na hanggang doon na lang ang buhay ng taong maysakit, kahit sa totoo lang, may lunas pa.

“Halos 60% ng ating populasyon ay namamatay nang hindi nasusuri ng doktor,” ayon kay Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Director Dr. Eduardo Banzon sa isang roundtable discussion tungkol sa Kalusugang Pangkalahatan (Universal Healthcare) na ginanap kamakailan lang.

Maraming pwedeng lapitan kapag walang pantustos sa malala at magastos na sakit. Nandiyan ang Social Welfare Assistance sa mga pampublikong ospital. Kung out-patient, nagtitiis ang ibang pumila sa health center o sa opisina ng mga pulitiko. Isa sa pinakamatunog na mahihingan ng tulong ay ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), pero marami ang nagtatanong, paano ba?

Naimbitahan ng Salamat Dok si Atty. Joy Roxas, General Manager ng PCSO. Narito ang panayam sa kanya ng program hosts, Alvin Elchico at Bernadette Sembrano:

Bernadette Sembrano: Paano makakakuha ng tulong sa PCSO? Lahat ba pwede?

Atty. Roxas: Lahat ay pwedeng humingi ng tulong sa PCSO. Sa totoo lang, mahirap o mayaman, kakailanganin mo ang tulong ng PCSO. Tulad halimbawa ng isang empleyadong nagretiro -- may naipon pero kapag dinapuan ng sakit na malubha at continued at prolong ang medication, mauubos ang financial resources. We prioritize the indigent but we understand na maski maykaya, maaaring maghirap dahil sa prolonged sickness. Pati ang immediate family mo ay magiging financially-drained din.

Alvin Elchico: Paano ang gagawin pag gustong lumapit sa PCSO?

Atty. Roxas: Unang una, kinakailangan nating kumpletuhin ang mga requirements:

1. Request letter na manggagaling sa pasyente o sa immediate family o sa kamag-anak na naka-addres kay Atty. Joy Roxas o kay Margarita Juico (Chairwoman, PCSO). Nakalagay doon na sila’y humihingi ng financial assistance na hindi naka-specify ang amount na kailangan.

2. Medical abstract na pirmado ng doktor, kasama ang license number.

3. Protocol Treatment. Ano ba ang gagawin sa pasyente? Ito ba ay dialysis? Ito ba ay chemo? Ito ba ay radiation o iba’t ibang procedure?

4. Kung ikaw ay naospital, kailangang ang original hospital bill na pirmado ng cashier o collection officer. Original ang kinakailangan kasi nakalagay doon kung na-deduct na ang senior citizen discount. Mayroong PhilHealth at ibang discounts na pwedeng maibigay. Kapag na-evaluate na ng aming social worker, saka pa lang malalaman kung magkano’ng pwede naming ibigay.

Alvin Elchico: Pipila ba yun o may pina-prioritize?

Atty. Roxas: First come, first served basis. Kung ikaw ay nakapila nang araw na yun at nakapasok ka, within that day ay maiinterbyu ka at mapoproseso na iyong papeles. Ang mag-i-interview ay social worker, iinterbyuhin ang kamag-anak o yung pasyente. Kapag nakaratay ang pasyente, ang magdadala ng letter ay anak, kapatid, o kamag-anak, representing the patient.

Bernadette Sembrano: Paano kapag gamot lang ang kailangan?

Atty. Roxas: We also give medicines. The same requirements din, medical abstract, protocol treatment, etc. Maski gamot yan ay iniinterbyu pa rin para malaman kung kaanu-ano niya ang pasyente. Itatanong kung gaano katagal nang ginagamit ng pasyente ang gamot, anong naging sakit, plus social case study kung makakapagbigay ang requesting party – dito nalalaman ang kanyang status sa buhay.


Mga Tanong mula sa Text, Facebook at Twitter

Bukod sa panayam, kumuha rin ang ang programa ng mga tanong mula sa masisipag na texter at mga tagasubaybay sa Facebook at Twitter.

MJ San Jose: Sana mayroong mas madaling proseso para sa paghingi ng tulong sa PCSO.

Atty. Roxas: Sa ngayon ay meron na kaming 29 branches at sub-offices nationwide. Pwede na silang pumunta roon, hindi na kailangang lumuwas ng Maynila para humingi ng medical assistance. Sa Luzon, meron tayo sa Pampanga, Tarlac, Bulacan, Zambales. In the next 2 years ang plano ng PCSO ay maglagay sa lahat ng probinsya ng sub o branch office. ‘Yan ang vision namin para ang service namin sa aming kababayan ay mas mapalapit.

Texter: Nakakatulong ba kung may endorsement from Congressman? Sinasabi ng iba, “Aba, nakakatulong pag mayroon akong political backer?” Totoo ba yun o hindi naman?

Atty. Roxas: Hindi po kinakailangang may endorsement maski kanino. Ang importante ay yung request letter na ibibigay ng pasyente o kamag-anak at kumpleto ang mga documentary requirements. Ang pagkakamali lang kasi usually ng mga nagpupunta, xerox copy ang ibinibigay, o kaya xerox copy pero hindi naman certified true copy.

Josephine Janer Vallejera: Sana matulungan ninyo kami ng anak ko na makahingi ng financial assistance sa PCSO. We’re both thyroid cancer patients. We have maintenance medicines and lab tests for life.

Atty. Roxas: Ang masasabi ko lang po sa konting kaalaman ko, ang thyroid cancer ang pinaka-least lethal, slow growth, pero yun nga lang may mga long term. Pwedeng pumunta basta dala lang ang proper requirements at tutulong kami sa kanilang medicines na kakailanganin.

Texter: Hanggang magkano ang maaring mahinging tulong sa PCSO?

Atty. Roxas: Yan po ay ini-evaluate ng aming social worker. We do not give a hundred percent, tinitingnan ang amount na maaaring ibigay, depende sa social status ng taong nagre-request. Kapag ang aplikante ay may CCT o Conditional Cash Transfer na galing sa DSWD, considered “poorest of the poor” yun. Hindi na kinakailangang kumuha ng social case study, ipapakita lang ang card sa amin, alam na namin na sila’y kasama sa “poorest of the poor.”

Texter: Maybe we should also train our employees na magandang magharap sa tao, na huwag maging magsuplada, yung maayos naman. Kasi yung mahihirap may problema na sa pera, may problema pa sa karamdaman.

Atty. Roxas: Alam niyo po, ang isa sa maipagmamalaki ko sa ating mga kababayang nagtatrabaho sa PCSO, naturuan nila ang sarili nilang maging matiyaga at magserbisyo with a smile. Kung medyo pagod na, may karelyebo sila. Actually, nakakapagod nga naman yung ginagawa nila kaya mayroon kaming sistema ng relyebo. Sa pagtangkilik ng ating mga kababayan sa produkto ng PCSO tulad ng lotto tickets natin, nakakatulong sila sa ating kababayan. Tulong pangkalusugan, tulong medikal mula Luzon, Visayas at Mindanao. Ang 30% ng bawat taya ay napupunta sa Charity Service. Nakakatulong ka na, nanalo ka pa!

Illustrated by Bryan James Vapor, Transcription by Blessie Javier, episode aired September 9, 2012