Saklolo: Wanted, perfect baby

Posted at 12/05/2012 5:36 PM | Updated as of 12/05/2012 5:36 PM

Isang nanay na humahagulgol ang nakatawag ng pansin sa mga mamimili sa isang mall sa Cubao. Walang
tigil niyang isinisigaw ang pangalan ng nawawalang anak.

Ayon kay Gedalyn Pereyna, ang luhaang ina, tinangay ng isang nagpanggap na talent scout ang kanyang tatlong linggong gulang na sanggol na si Zelynne.

"Paglabas namin ng fitting room, wala na ang baby ko,” kwento ni Geda. Ipinamili ng nasabing talent scout na si Leslie ng mga damit si Baby Zelynne. Pati si Geda at ang kanyang tiyahin ay inilibre niya. Pero ang pagkatuwa ni Geda ay agad na napalitan ng takot. Matapos ipakarga si Baby Zelynne, nawala ng parang bula si Leslie at ang kanyang anak.

Ilang araw bago ang insidente ay ipinakilala ng tiyahin ni Geda si Leslie sa kanilang pamilya. Isa raw siyang talent scout na naghahanap ng baby para sa commercial ng gatas.

Pumayag si Geda at ang kanyang asawa dahil malaking tulong sa kanila ang isang taon na supply ng gatas. Agad silang nagtiwala sa kabutihang loob na ipinakita ni Leslie.

Ngayon, lubos ang pagsisisi ng mag-asawang Pereyna sa sinapit ng anak. Sinubukan nilang hanapin si Leslie at nakipag-ugnayan na rin sila sa mga pulis.

Makalipas ang tatlong araw, nahanap ang bahay na pinagtataguan ni Leslie. Ang bumungad sa kanila ay ang sanggol na si Zelynne.

Ikinagulat ng lahat ang dahilan ni Leslie kung bakit niya tinangay si Zelynne. Matapos umanong malaglag ang tatlong buwang sanggol dahil sa "ectopic pregnancy", naghanap siya ng paraan para mapalitan ang anak.

Paliwanag ni Leslie, natakot siyang hindi matanggap ng asawang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nakulong si Leslie sa salang kidnapping, ngunit napiyansahan naman ito ng asawa. Hindi na rin itinuloy ng pamilya Pereyna ang kaso laban sa kanya dahil sa awa ni Geda para sa isang inang nawalan ng anak.

Sa ngayon, masaya na si Geda na muling mahagkan ang anak, na muntik nang mapunta sa kamay ng iba.

Aired on: December 5, 2012