Salamat Dok: Magpapaputok ka ba?

Posted at 12/27/2011 9:49 AM | Updated as of 12/30/2011 2:38 PM

Kayo ba’y naputukan na? Pagpasok pa lamang ng Disyembre, marami nang nagpapaputok. Bago sindihan ang mitsa, narito muna ang mga dapat n’yong malaman mula sa mga eksperto ng Manila Doctors Hospital -- sina Dr. Jose Bautista, Chairman ng Department of Orthopedics; at si Dr. Geoffrey Corpuz, Chair, Department of Emergency Medicine.

Bakit mapanganib ang magpaputok?

Dr. Jose Bautista: Maliban sa sugat o pinsalang dala ng paputok, maaari itong magka-impeksyon o tetanus.

Ano’ng mga dapat gawin kapag naputukan ang daliri?

Dr. Geoffrey Corpuz: Dapat takpan agad ang sugat. Huwag maglagay ng kung anu-ano. Dalhin agad sa malapit na ospital. Mas magandang ma-assess agad ang sugat para malaman kung lilinisin lang ba, tatahiin o kung may operasyong gagawin.

Ano’ng pangunahing lunas kung malayo ang ospital?

Dr. Geoffrey Corpuz: Linisin ang sugat para di mapasukan ng impeksyon. Kung malakas ang pagdurugo, lagyan ng gasa ang apektadong parte ng katawan at lapatan ng pressure.

Tama ba ang ginagawa ng iba na pinapadugo ang sugat?

Dr. Geoffrey Corpuz: Hindi magandang practice yun. Kapag pinadugo, hinahayaan n’yong bukas ang sugat, lalong magkakaroon ng impeksyon.

Anong dapat gawin kung malakas ang pagdurugo?

Dr. Geoffrey Corpuz: Kung nalapatan na ng pressure at malakas pa rin, kailangang itaas (elevate) ang parte ng katawang apektado.

Anong mangyayari kung aksidenteng naisubo ang paputok?

Dr. Geoffrey Corpuz: Pwede itong mag-burn internally o sumabog sa loob ng katawan dahilan ng para magkaroon ng internal bleeding. Maaari rin itong sumabog kapag naapektuhan ng asido ng ating tiyan.

Pwede bang idikit ang naputol na daliri?

Dr. Jose Bautista: Depende yan sa sitwasyon. Kapag may naputol na parte ng kamay, ilagay sa malinis plastic at ibabad ang plastic sa yelo o sa malamig na tubig. Kung ang dahilan ay paputok, malamang mahirapan kasi di na kasing simple tulad ng pagkaputol dahil sa kutsilyo. Pwede naming palitan. Meron na tayong mga artificial na kamay. Gumaganda na ngayon ang teknolohiya

Ano naman itong tetanus mula sa paputok?

Dr. Geoffrey Corpuz: Bukod sa bacterial infection na makukuha sa sugat, ang tetanus ay isa pa ring bacterial infection na tumatama naman sa nerves. Pwede itong umabot sa utak -- inaalis ang inhibition ng mga neurotransmitter natin. Para kang may spasm all over, parang nagka cramps sa buong katawan.

May period ba ang tetanus?

Dr. geoffrey Corpuz: Usually ang binabantayan natin dyan ay ilang araw hanggang 1 buwan or higit pa. Hindi natin masasabi kung napasukan o hindi.

Paano naman kapag naputukan ng baril?

Dr. Geoffrey Corpuz: Kung nasa bahay, ang pwede lang gawin, takpan ang sugat. Dalhin agad sa ospital. Kadalasan, sa experience namin kapag stray bullet, lalo na sa ulo, malaki ang mortality rate nyan eh.

Ano’ng dapat tandaan pagkatapos ng putukan?

Dr. Geoffrey Corpuz: Pagkatapos magpaputok, basaing mabuti ang area bago magwalis. Baka may mga natira. Kung hindi, maaaring pumutok hawak n'yo pa lang.

Dr. Jose Bautista: Dapat mismong sa bahay, alam n'yo ang emergency number ng pinakamalapit na ospital. Sakaling may mangyari, pwedeng n’yong tawagan, hindi na kayo maaabala dahil may ambulansya silang pupunta sa inyo. – December 25, 2011