Dapat Seryosohin ang Banta ng Terorismo
Dapat Seryosohin ang Banta ng Terorismo
05/05/2011 8:57 PM

(published in Julius Babao's column "Sapul!" in Blugar)

Ngayong patay na ang No.1 Most Wanted ng Amerika at Al Qaeda leader na si Osama bin Laden, palaisipan kung paano siya ipaghihiganti ng kanyang mga kaalyado.

May mga intelligence report noon na minsan nang nagpunta at tumira ng Mindanao si bin Laden. Diumano'y nagkaroon pa siya ng asawa roon. Kaya marami ang nangangamba na baka maghasik ng lagim ang kanyang mga kaalyado sa Pilipinas.

Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na wala nang kakayahan ang Abu Sayyaf- ang teroristang grupong kaalyado ng Al Qaeda, na manggulo. Sa sobrang hina raw ng teroristang grupo, pagdating raw ng 2015 ay ganap nang masusugpo ang Abu Sayyaf.

Subalit mukhang pampapogi lamang ang mga pahayag ng AFP na ito dahil hindi maikakailang mayroon pa rin talagang seryosong banta sa seguridad ng ating mga mamamayan.

Sariwa pa nga sa alaala natin ang naganap na pambobomba sa Newman Goldliner bus sa Edsa noong Enero 25 na ikinamatay at ikinasugat ng maraming pasahero. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin nahuhuli ang mga salarin na sinasabing mga miyembro ng teroristang grupo. Nangyari ito ilang buwan matapos maglabas ng travel advisory ang ibat-ibang mga bansa kaugnay ng banta ng terorismo sa Pilipinas.

Kung kaya itong gawin ng mga terorista kamakailan lang, ano ang kasiguruhang hindi nila ito magagawa ulit ngayon?

Sa ratio na isang pulis sa bawat isang libong tao, ang reyalidad ay hindi naman kayang bantayan ng mga pulis ang lahat ng mga bus, mall at mga pampublikong lugar sa Metro Manila.

Kahit sabihin pa ng mga pulis na walang banta ng panggugulo ng mga terorista bilang ganti sa pagkamatay ni bin Laden, mahalaga pa rin na mag-ingat na ang lahat at maging mapagmasid sa lahat ng mga nakikita nila sa paligid upang maiwasang mabiktima ng mga terorista.