Gina Alajar elected in Actors Guild's board of directors
By BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com | 01/02/2009 12:57 PM
Printer-friendly version |
Send to friend |
Share your views
Sa gitna ng kaabalahan ng 2008 sa pagdiriwang ng Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon, hindi napabayaan ni Gina Alajar ang kanyang mga katungkulan at karapatan para sa samahan ng mga artista ng Pilipinas, ang Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT).
Sa isang eleksyon na idinaos para sa bagong pamunuan ng KAPPT, nahalal si Alajar na isa sa mga lupon ng mga direktor kasama sina Phillip Salvador, Herbert Bautista, Pagsanjan, Laguna Mayor Jeorge “E.R.” Ejercito Estregan, at iba pa.
Bagamat maghahalal pa ng mga opisyal ang lupon, makatitiyak na si Alajar ng posisyon para mapagsilbihan ang kanyang mga kapwa artista.
Si Ejercito ang kasalukuyang pangulo ng KAPPT pero bukas ang lupon sa anumang pagbabago sa liderato.
At sa gitna rin ng kabisihan ni Alajar sa pamamahala ng organisasyon at pagganap sa pelikula at telebisyon kasama na ang pagdidirek ng mga TV soap, kailangan din niyang asikasuhin ang kanyang pamilya lalo na ang kanyang mga anak kay Michael de Mesa na sina Ryan, Geoff at AJ Eigenmann.
Umuwi si AJ sa Pilipinas mula sa Amerika pagkatapos ng humigit-kumulang sa tatlong taon na pamamalagi sa ibang bansa.
“Nandito si AJ para sa Christmas vacation. He’s enjoying his US stay pero kailangang makasama namin siya this season,” pahayag ng aktres.
Nag-aaral si AJ sa Las Vegas. “Veterinary assistance ang kanyang kinukuha,” pagbabalita ng ina.
Bakit sa ibayong-dagat pa kumukuha ng Veterinary assistance si AJ samantalang mayroon namang katumbas ding ganitong kurso sa Pilipinas?
“Kasi, gusto niyang maranasan na sa ibang bansa naman siya mag-stay at mag-aral,” sagot ni Alajar.
Sa dating aktres at kabarkada ni Alajar na si Anna Marin nakatira si AJ.
“Bale si Anna rin ang responsible na makaimpluwensiya kay AJ na kumuha ng gano’ng course. Kasi, mahilig din sa mga pets at hayop sina Anna at AJ. Super close silang dalawa. Parang second mother na ni AJ si Anna,” masayang pahayag ni Alajar.
Samantala, sa kabila ng pakikipaghiwalay ni Alajar kay de Mesa ay nananatili silang matalik na magkaibigan.
Nag-uusap pa rin sila lalo na para sa kapakanan ng kanilang mga anak.












