Angel Locsin on being a Kapamilya: 'Naging ganap na aktres po ako dahil sa ABS-CBN'

Posted at 01/05/2009 3:50 PM | Updated as of 01/05/2009 4:35 PM

Nang tanungin si Angel Locsin kung ano ang pinakamabigat na intriga ang napagdaanan niya noong 2008 sa kanyang interview sa The Buzz Tough 10 kahapon, sumagot ang aktres ng tatlo. Inunang binanggit ni Angel ang diumano’y sex video na kumalat sa internet at DVDs.

Sabi aktres nabastos talaga ang kanyang pagbabae dito subalit napatunayan namang hindi ito totoo. Next ay noong sabihan na katulong ang nanay niya at ang huli ay ang mga intriga noong lumipat siya ng home network.

"Pangatlo, 'yung mga nangyari last year. Transfer. ‘Yun po 'yung pinakamahirap na panahon sa buhay ko," pahayag ng aktres na tinukoy ang kanyang paglilipat mula sa GMA-7 sa Kapamilya network.

Speaking of network, naitanong din sa dalaga kung saan siya nag-grow bilang aktres, kung sa GMA ba or sa ABS-CBN. "Utang ko po kung sinuman si Angel Locsin ngayon, siyempre sa kabilang network sa GMA network," simula ni Angel.

"Pero masayang masaya po ako at naging ganap na aktres po ako dahil sa ABS-CBN. At malaking utang na loob ko po ito sa kanila. Iba mabigyan ng malaking proyekto gaya ng Lobo at (pelikulang) Love Me Again: Land Down Under." Dagdag pa niya na sa Kapamilya network siya nabigyan ng pagkakataon na patunayan ang kakayahan sa acting.

Tinanong din si Angel na sa loob ng halos isang taon niya sa ABS-CBN, kailan niya naramdaman na tunay na siyang isang Kapamilya at napangiti ang aktres sa kanyang pagsagot. "Siguro nung simula nang tawagin ako ng tao na Lyka," pagtukoy ni Angel na kanyang karakter sa matagumpay na teleseryeng Lobo kasama si Piolo Pascual.

"Doon nag-sink in sa akin. Kasi nung una kasi andito ako, sobrang hungry ako para i-prove ang sarili ko. 'Yung makilala ka ng tao bilang karakter na ginagampanan mo malaking bagay po sa akin 'yon. Nasabi ko na tanggap na talaga ako, na Kapamilya na talaga ako."

Sa portion na Tough 10 ay ibinahagi rin niya na hiwalay ang kanyang mga magulang subalit maganda ang kanyang relasyon sa mga ito. Although lumaki si Angel sa side ng daddy niya may maganda siyang mensahe para sa kanyang ina.

"Si Mommy kasi napaka-generous. Napakabait na tao. Lahat bibigay sa ibang tao kahit wala na siya. Kung pwede mag-advice sa aking nanay, gusto ko sanang unahin niya sana ang sarili niya. Kasi ako andito lang naman ako forever para sa kanya. Pero gusto ko 'yung pinaghihirapan ko, sa kanya."

Kasalukuyan namang may karamdaman ang ama ni Angel at hindi na ito nakakakita kaya’t ang pangarap ni Angel para dito ay maipakita ang kanyang mga billboard at ang itsura niya ngayong artista na siya.

Gustong-gusto rin ni Angel na makita ng kanyang daddy ang ipinagawa niyang bahay dito at mailibot ito sa buong mundo, nga lang ay hirap na rin ito sa pagkilos.

Sa love scene naman nila ni Piolo sa Love Me Again, nabuking si Angel na nanginig ito ng todo habang kinukunan ito. Nag-sensuality workshop pa raw siya para lang hindi mukhang naninigas ang kanyang mga daliring humaplos sa abs ni Piolo.

“Ako po ata ang naka-ubos ng negatibo ng Star Cinema,” natatawang kwento ni Angel sa dami ng take nila during the love scene sa nerbiyos niya.

Itinanong din kay Angel kung sino sa tingin niya bukod sa kanyang leading man ang sexy sa mga lalaki sa mundo ng showbiz. Napaisip ng kaunti si Angel.

“Bukod kay Peej (palayaw ni Piolo) si Aga Muhlach, si Luis (Manzano),” umpisa ni Angel, na napahiyaw ng todo ang audience sa pagbanggit ng pangalan ng kanyang rumored boyfriend. “Sam (Milby), Richard (Gutierrez) at Jericho (Rosales),” dagdag pa ng aktres.

Sa huli ay ipina-rate kay Angel ang kanyang career, pamilya at love-life at perfect 10 lahat ang ibinigay niya rito. “Noong year 2008, napakabait ni God sa akin," paliwanag ni Angel.

"Ngayong January, ang ganda po sa akin ng pasok ng taon dahil unang pelikula po ng Star Cinema ang Love Me Again. Magadang pahiwatig. After nito gagawin na po namin 'yung soap opera," pagbabalita ni Angel. Ipapalabas na ang Love Me Again dito sa Pilipinas sa January 15, bilang unang salvo ng Star Cinema sa taon na 2009.


Bookmark and Share

Links