Jul 05
2009

Two veteran actresses spot Piolo Pascual's rare appeal


BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com | 01/07/2009 12:29 PM

Hindi lamang ang kanyang mga kakontemporaryo ang humahanga sa kaguwapuhan at kakisigan ni Piolo Pascual kundi ang mga beterana ring aktres tulad nina Gina Alajar at Lorna Tolentino.

Ito ang inamin ni Alajar kamakailan nang mapag-usapan muli ang kanyang partisipasyon sa paglulunsad ni Ricardo Lee ng nobelang “Para Kay B.”

Bumasa si Gina ng mga bahagi sa nobela at kanyang binigyang-buhay kasama sina Piolo at Lorna.

“Noon namang una, hindi ko pinapansin si Piolo. Para sa akin, isa lang siya sa marami, you know what I mean. Nakikita ko siya sa TV pero hanggang do’n lang,” sabi ni Alajar.

Pero nang magkrus anya ang kanilang landas sa UP Bahay ng Alumni sa Diliman kamakailan, napuna ng aktres na kaiba pala talaga ang panghalina ni Pascual sa madla.

“Iba ang appeal niya sa personal. No’ng una, a, sige, alam kong kasama ko siya sa interpretative reading pero later, parang gusto ko nang magpapirma sa kanya ng autograph,” pagtatapat ni Gina.

Kaya hindi na niya pinatagal pa at matapos ang kanilang pagtatanghal, walang inisip si Alajar kundi ang magpakuha ng larawan kasama si Piolo.

“Ang lakas ng dating niya. At mabait in person. Kaya naman pala siya sikat,” wika ni Alajar.

Naikuwento rin ni Gina ang paghanga ni Lorna sa batang aktor.

“Si LT rin, noong una, wala naman daw dating sa kanya si Piolo. As usual, one of those din pero alam naman natin na may hitsura si Piolo at magaling umarte pero iba sa personal, sabi ni LT.

“Kaya tawa ako nang tawa kasi, nang magpa-picture ako kay Piolo, siyempre, sumunod rin si LT sa pagpapa-picture,” natatawang kuwento ni Gina.

Kaya lang, dagdag ni Alajar, hindi pa lubusang naipapahayag ni Tolentino ang kanyang paghanga kay Piolo dahil kamamatay lang ng asawa ng aktres na si Rudy Fernandez.

“Pero nagpapasalamat naman si LT dahil sa contribution ni Piolo sa kanilang record na ‘Hope.’ Wala pa kasing isang taon na namamatay si Rudy kaya behaved na behaved si LT,” sabi ni Alajar.    

as of 01/07/2009 12:29 PM



Multimedia

Please follow our chat rules
Report abuse to feedback@abs-cbnnews.com

Storypage Ad zedo


Tower 2


Tower 1