Pinoy film 'Kinatay' in Cannes festival

Posted at 04/26/2009 8:14 AM | Updated as of 04/26/2009 3:41 PM

Sa ikatlong pagkakataon ay nakapasa ang bagong pelikula ng sikat na direktor na si Brillante Ma. Mendoza sa Cannes Film Festival na gaganapin sa Mayo 13 hanggang 24, 2009.

Napili ng komite ng 2009 Cannes ang “Kinatay (The Execution of P)” bilang isa sa mga opisyal na kalahok sa taong ito.

Ito ang ipinahayag ni Mendoza sa pakikipag-usap namin sa kanya sa telepono ngayong Biyernes ng umaga.

Ayon sa direktor, tumawag na ang mga kinatawan ng Cannes sa kanya upang ipaalam ang magandang balita.

Kasama ang “Kinatay (The Execution of P)” sa official competition ng taunang pestibal kaya awtomatikong kasali ang pelikula sa paligsahan sa lahat ng kategorya sa timpalak kabilang ang Best Film o ang Palm d’Or Award at Best Director.

Makakalaban ni Mendoza ang matitinik at premyadong mga filmmaker sa ibang bansa at sa Hollywood na sina Ang Lee (“Taking Woodstock”), Pedro Almodovar (Los Abrazos Rotos”), Quentin Tarantino (“Inglourious Basterds”), Jane Campion (“Big Star”)  at iba pa.

“Ang makahanay sa kanila ay isa nang karangalan. Kaya nga nang malaman ko na nakapasa ako at kalaban ko sa Best Director sina Ang Lee, nasabi ko na blessings ito at kailangang pagbutihin hindi lang para sa aking sarili kundi para sa ating bansa, lalo na,” pahayag ni Brillante.

Nauna nang naitanghal sa Cannes Directors Fornight noong 2007 ang pelikulang “Foster Child” ng Seiko Films na ginawa ni Brillante, kilala rin sa tawag na Dante Mendoza.

At noong isang taon ay opisyal na kasali ang “Serbis” sa main competition ng pestibal.

Gaano katotoong basta nakapasok na nang isang beses sa Cannes ang isang direktor ay taun-taon na itong makakasali sa pagdiriwang?

“No, hindi totoo ‘yon. Walang suki-suki sa Cannes. Hindi ibig sabihin na nakapasa ka sa kanila ng isang taon ay magsusunud-sunod ka na. Kahit nga si Ang Lee, ‘yong kanyang ‘Brokeback Mountain’ was rejected by Cannes during that time. Nanalo nga ito si Venice Film Festival pero inisnab naman sa Cannes.

“Sa merits ng pelikula nila idina-judge ang pagpili sa entries. Kaya nga mali na naman ang konsepto na ‘yon. Napaka-prestigious ng Cannes at hindi nila pabababain ang kalidad nila,” paglilinaw ni Mendoza.

Para kay Brillante, ang maging kinatawan sa Cannes ay isa nang karangalan kahit marami na namang.intriga na lalabas laban sa kanya. “I don’t care about them anymore. Pinagbubuti ko na lang ang trabaho ko,” komento ng director.
 
Matatandaan na may mga dayuhan at lokal na kritiko na tumira sa “Serbis” dahil eksploytasyon anila ito pero ipinagkibit-balikat lang ito ni Mendoza at handa muli niyang harapin ang mga tulad nito ngayong taong ito.

Gayunman, balak ni Dante na siya na lang ang magtungo sa Cannes dahil magastos ang delegasyon.

“Gusto ko mang isama ang mga artista ko, wala talaga akong magagawa. Kung may magfi-finance lang sa akin, puwede,” pahayag ni Mendoza.

Ang “Kinatay (The Execution of P)” ay dating “Chop-Chop” ang titulo at sinulat ng premyado ring mandudulang pampelikula na si Armando Lao.

Ang pelikula ay tungkol sa pagtatapos ng Criminology ng isang binata hanggang siya ay magpakasal at masangkot sa isang sindikato.

Itinatampok sa pelikula si Coco Martin na kilala na sa Cannes bilang artista.

Hindi itinanggi ni Mendoza na may halo muling seks ang kanyang pelikula. “Integral ito sa istorya,” paliwanag niya.


Bookmark and Share

Links