Cannes best director doesn't mind the boos

Posted at 05/30/2009 6:23 PM | Updated as of 05/30/2009 6:23 PM

Ipinagkikibit-balikat lang ng Palm d’Or Best Director sa 62nd Cannes Film Festival sa Cannes, France kamakailan na si Brillante Mendoza ang mga kritisismo laban sa kanya lalo na ang pambo-boo ng mga manonood sa kanya sa nakaraang gabi ng parangal sa prestihiyosong pagdiriwang.

Sa isang eksklusibong panayam sa filmmaker, sinabi ni Mendoza na manhid na siya sa mga puna laban sa kanya.

“Kahit naman si Quentin Tarantino ay bi-noo rin sa Cannes nang manalo siya as Best Director. Kahit si Lars von Trier ng Denmark, bi-noo rin siya nang manalo siya sa Cannes,” pahayag ni Brillante.

Nang tawagin ng premyadong US film director na si Terry Gilliam ang kanyang pangalan bilang Pinakamahusay na Direktor sa 2009 Cannes para sa kanyang pelikulang “Kinatay (The Execution of P),” may mga lumutang na boo mula sa mga manonood.

Gayundin, nang tawagin ang mga nagwagi sa Jury Prize na “Fish Tank” ni Andrea Arnold ng Britanya at “Thirst” ni Park Chan-wook ng South Korea, bi-noo rin ang mga ito.

Ayon sa respetadong kasapi ng Young Critics Circle na si Nonoy Lauzon, napanood niya ang gabi ng parangal nang live sa isang cable TV channel. “Mas malakas ang boo kina Andrea Arnold at Park Chan-wook compared sa pag-boo kay Brillante,” paglilinaw ni Lauzon.

Sinabi ni Brillante na masyadong lantad at tapat sa kanilang isip at damdamin ang mga Europeans kaya nagpapahayag ang ang mga ito sa anumang paraan. “Hindi sila plastik na parang dito sa atin. Do’n, kung ayaw nila, sasabihin nila. Mas open sila sa maraming bagay hindi tulad dito sa atin na maraming restrictions,” sabi ni Mendoza.

Idinagdag ng premyadong direktor na kaya mas maraming nangyayaring mabuti sa ibang bansa ay dahil sa mabuting pagtanggap nila sa mga pintas at komentaryo. “Napaka-democratic nila at iginagalang ang mga opinyon ng bawat isa. Sana, gano’n din tayo sa Pilipinas,” wika ni Dante Mendoza.
   
Pati ang mga upasala na natatanggap niya mula sa kanyang mga kababayan ay ipinagpapasadiyos na lang niya.

“Mas marami pang positive na bagay na magagawa kaysa magsiraan at magpintasan. Magkaisa na sana tayo,” pangungumbinsi ni Brillante.   


Bookmark and Share