John Regala, galit pa rin kay Ronnie Ricketts
Posted at 09/30/2008 12:45 PM | Updated as of 10/03/2008 5:42 PM
Walong taong nawala sa sirkulasyon sa showbiz world si John Regala. Ngunit sa kanyang pagbabalik, dala-dala pa rin niya ang matinding poot at galit kay Ronnie Rickets, na sabi ni John ay siyang tunay na dahilan kung bakit nangulimlim ang kanyang career bilang aktor.
"Ang totoo galit pa rin ako hanggang ngayon sa taong iyon. Matagal ko nang dala-dala ito. Maganda na ang tingin ko sa mundo ko. Pero kapag naaalala ko ang ginawa sa akin ng taong iyan ay kumukulo ang dugo ko!" pahayag ni Regala habang kausap namin siya sa pictorial ng programang "Pieta" na pagbibidahan nina Ryan Agoncillo at Cherry Gil.
"Kung natatandaan n'yo, noong maging presidente ng KAP [Kapisanan ng mga Artista sa Pilipinas], unang ginawa ng taong iyan ay hamunin ako para magpa-drug test. Bagong bago pa lang kasi sa showbiz yung mga shabu na iyan, di ba?"
"Hindi ko itinatangging nag-drugs ako. Aaminin ko naging talamak ako diyan. Naging sakit ako ng ulo ng aking mga manager at mga co-workers ko. Pero 'yong gustong mangyari noong taong iyon (Ronnie Rickets) na ipag-rehab ako, ano ang gusto niyang gawin sa pamilya ko? Ang patayin sa gutom?"
"Kinimkim ko talaga ang galit ko, matagal akong nagtimpi. Pero hindi ako pumayag na magpa-drug test dahil alam kong may makikita sa akin dahil that time ay adik talaga ako," sabi ni John.
Regala: Di ako namalimos
Aminado si John na totoong nagkasakit siya at matagal din siyang na-confine sa Malvar Hospital.
"Yong sinasabi nilang namamalimos ako para may ipangbili akong gamot? Kalokohan iyon! Nagkasakit ako. 'Yong sakit ko parang napasma 'yong mga nerve ko sa katawan. Pero hindi ko ginawang mamalimos dahil malaki pa ang respeto ko sa aking sarili."
"Marami akong naipundar na bahay at iba pang ari-arian noong busy ako sa paggawa ng pelikula at naubos lahat iyon sa kabebenta ko para lang sa pambili ko ng gamot. Pero hindi ako namalimos," mariing sinabi ni John.
Pagkatapos ng walong taon ay handa na uling harapin ni John ang showbiz world.
Handa na rin kaya niyang harapin si Ronnie Rickets na matagal na rin niyang kinasusuklaman?
"Kaya ko nang harapin ang lahat. Ayoko lang siyang makita. Dahil ugat siya ng lahat ng mga pangit na nangyari sa buhay ko," pagwawakas ni John sa amin.