2008 Urian Best Actor Jason Abalos thanks Judy Ann Santos

Posted at 10/03/2008 6:14 AM | Updated as of 10/03/2008 6:16 AM

2008 Urian Best Actor Jason AbalosHindi naman sila magkatambal sa pelikula pero pinasalamatan ni Jason Abalos si Judy Ann Santos sa kanyang acceptance speech nang manalo siya ng Pinakamahusay na Aktor sa ika-31 taon ng Gawad Urian sa Little Theater ng Cultural Center of the Philippines Miyerkules ng gabi para sa pelikulang "Endo" ng ufo Pictures.

Ito ay sa walang kahulilip at pag-iimbot na payo ni Judy Ann sa batang aktor. "Hindi ko po makakalimutan ang payo sa akin ni Judy Ann nang magkasama kami sa isang TV show. Sabi niya, may mararating daw ako sa pag-arte. Tinandaan ko po ‘yon. Pinayuhan niya ako na maging professional. Kaya malaki ang pasasalamat ko sa kanya.

"Basta na lang niya akong pinayuhan. Bihira po ang gano’n, di ba? Ramdam ko rin po ang sincerity sa kanya. Totoo siyang tao sa payo sa akin at tatanawin ko ‘yong isang malaking utang na loob," pahayag ni Jason pagkatapos ng gabi ng parangal sa pasilyo ng Little Theater.

Ayon sa batang aktor, kasama pa ni Juday nang siya’y payuhan si Ryan Agoncillo. "Imagine po, dalawang malalaking artista ang nagpayo sa akin. At mga tunay na tao pa ang nagsabi sa akin kaya paano ko naman po ‘yon makakalimutan?" tanong niya.

Kahit bihira nang magkita sina Abalos at Santos ay laging nakatimo sa isip ng una ang mga salita ng aktres.

"Sabi ni Juday, kahit anong oras na kailangan ko ang advice niya, puwede ko siyang tawagan," pahabol ni Jason.

Madamdamin at malaman ang pasasalamat ni Abalos nang tanggapin niya ang tropeyo ng karangalan mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

Ayon sa kanya, mula sa kodigong kanyang binasa sa rostrum, nagkatotoo na ang kanyang pangarap na magwagi ng award sa pag-arte.

"Hindi ko po ito akalain. Ngayon, may matitingnan na ako sa kuwarto," natatawang sabi ni Jason na gumanap ng isang fast food chain crew na magtatapos na ang kontrata sa kumpanya o "end of contract" o sa mas popular sa kabataang salita na "endo."

Nakipagtabla si Jason sa karangalan kay Sid Lucero na gumanap bilang preso na nakipagkaibigan nang tapat sa isang bading na bilanggo sa piitan.

"Bale-wala po sa akin kung may ka-tie ako sa award na ito. Ang mahalaga ay napansin ang talent ko," sabi ni Abalos.

Kapapanalo rin niya ng Best Performer para sa Young Critics Circle na isa ring prestihiyoso at kapani-paniwalang gurpo ng mga kritiko mula sa akademya.
 


Bookmark and Share

Links