Mercedes Cabral, tanging Pilipinang aktres sa 13th Pusan film fest

Posted at 10/02/2008 1:16 PM | Updated as of 10/02/2008 1:16 PM

Umalis si Mercedes Cabral kahapon patungong South Korea para dumalo sa ika-13 Pusan International Film Festival na magsisimula sa ika-2 ng Oktubre.
 
Sa dinami-dami ng aktres sa Pilipinas ay tanging si Cabral lang ang naimbitahan ng Pusan filmfest.
 
“It’s an honor for me na mapasama sa listahan ng mga foreign actors and actresses na inimbita nila sa Pusan,” pahayag ni Mercedes.
 
Ayon sa liham sa kanya ni Soyoung Sohn, pinuno ng International Department ng Asia Pacific Actors Network ng Pusan, natatangi ang pagtanggap sa kanya ng international film event na ito dahil red carpet ang lalakaran ng aktres. Bibigyan din siya ng sariling car service.
 
Ang APAN ay itinatag noong isang taon sa pamamagitan ng mga tanyag na Korean stars na sina Ahn Sung-gi, Kang Su-yeon, at Park Joong-hoon upang makipag-ugnayan sa lahat ng mga aktor at aktres sa Asya para umunlad ang industriya ng pelikula ng rehiyon. Ito ay magiging pandayan din tungo sa Hollywood.
 
Sa pagbubukas pa lang ng Pusan filmfest ay kasama na si Mercedes sa mga sosyalan ng mga alagad ng sining sa pelikula sa daigdig upang makipagtalamitam at linangin ang larangan sa ikapagtatagumpay ng okasyon para sa mga bansa sa Asya.
 
Bagamat hindi makakasama si Mercedes sa press conference na inilaan para sa pelikulang “Serbis” ng Centerstage Productions, dahil ang direktor nito na si Brillante Mendoza ang haharap sa mga peryodista, kasama pa rin ang aktres sa maningning na talakayan na pinamagatang “Acting in International Projects.” 
 
Ang symposium ay sa pakikipagtulungan ng APAN, Korean Actors Association at Korean Entertainment Management Association Company. Gaganapin ang balitaktakan sa Haeundae Grand Hotel, PIFF Center.
 
Makakasama ni Cabral ang mga sikat at magagaling na bituin mula sa China (Jacqueline Li aka Xiaolu), Hong Kong, China (Chui Tien Yu at Kelly Lin), Japan (Ueno Juri), Taiwan (Fan Wing (Chi Wei) at Kawi Lun Mei), Thailand (Apinya Sakul Jaroensuk) at USA (Aron Yoo, James Kyson Lee at Moon Bloodgood). 
 
Nagsanib ang puwersa ng Chengtian, isang Chinese management company at Namoo Actors na isa sa mga pangunahing kumpanya ng pangangasiwa ng mga artista sa Korea upang mas tumatag ang pag-uugnayan ng mga bituin sa Asya. Noong isang taon din sa Pusan ay ipinagkaloob ng Asian Cinema Development Fund kay direktor Ho Yuhang ng Malaysia ang grant sa paggawa ng pelikula. Kasalukuyang ginagawa ni Yuhang ang pelikulang “At the End of Daybreak.”
 
Marami pang pakikipag-ungayan na gagawin si Mercedes para sa pelikulang Pilipino sa Korea. Babalik siya sa Linggo, ika-5 ng Oktubre.