Niño Muhlach reveals Liezl Sumilang has breast cancer

Posted at 10/26/2008 7:59 PM | Updated as of 10/26/2008 9:39 PM

Kung hindi nagsasalita ang may katawan mismo na siya ay may breast cancer at ito ay kanyang karapatan bilang mamamayan kahit tadtad na ang mga blind item tungkol sa kanyang karamdaman, tahimik din ang kanyang mister na si Albert Martinez sa isyu.

Gayundin, pahapyaw ang pahayag nina William Martinez at Yayo Aguila na ang kanilang hipag at bilas.

Maging ang kanyang ina na si Amalia Fuentes ay bahagya at tikom ang bibig sa tunay na kalagayan ng kalusugan ng kanyang anak.

Hindi napigilan ni Niño Muhlach na isiwalat sa publiko na talagang may kanser sa suso ang kanyang pinsang-buong si Liezl Sumilang.

“Malakas naman ang loob ng pinsan ko. At ang cancer naman ngayon ay ninety eight percent na nagagamot. Kaya walang kaso. Marami pang paraan para gumaling ang pinsan ko,” pahayag ni Muhlach sa paglulunsad ng libro ng peryodistang pampelikula na si Nap C. Alip.

Sinabi ni Niño na natural lang na ilihim ng pamilya ni Liezl ang karamdaman nito dahil sa personal na mga kadahilanan at hindi para linlangin ang publiko.

“Karapatan ‘yon ng pinsan ko at kahit na sinong may gano’ng karamdaman. Kasi, everyone has his or her own right to privacy. Hindi puwedeng ilantad na lang nang ilantad ang mga pribadong buhay,” katwiran ni Onin.

Gayunman, nalulungkot siya sa kapalaran ni Liezl subalit pinaliligaya niya ito sa pamamagitan ng pakikipagkuwentuhan at pagbibiro sakali at nagkakausap at nagkikita sila.

“Kayang-kaya ng pinsan ko ang mga problema. Ipagdasal na lang natin siya,” pakiusap ni Niño.

Idinagdag ng aktor na mahal si Liezl ng Panginoong Diyos. “Hindi pa kukunin ang pinsan ko. Marami pa siyang gagawin na maganda sa kapwa at mabait siya,” sabi ni Onin.

Samantala, itinanggi rin ni Muhlach na siya ay nagugumon sa bawal na gamot.

“Thing of the past na ‘yon. Wala nang gano’n. Good na tayo,” wika ng dating child wonder. 


Bookmark and Share

Links